Beermen sisimulan ang title defense

 

Schedule ngayon
(Araneta Coliseum)
4 p.m. Opening
Ceremonies
6:15 p.m. San Miguel Beer vs Star

HINDI nagkukumpiyansa ang nagpalakas na two-time defending All-Filipino conference champion San Miguel Beermen sa pagsagupa nito sa nagbagong-bihis na Star Hotshots sa pagsisimula ngayon ng 42nd season ng Philippine Basketball Association (PBA) tampok ang 2016-17 Philippine Cup.

Ito ay dahil nakatuon ang Beermen sa kasaysayan na maging unang team na makapagtala ng tatlong sunod na pagwawagi sa All-Filipino conference matapos na huling maisakatuparan ito ng TNT KaTropa mula 2011 hanggang 2013.

“Halos lahat ng teams nagpalakas dahil nga tinatarget kami,” sabi ni Beermen coach Leo Austria.
Mag-uumpisa ang laban alas-6:15 ng gabi pagkatapos ng opening ceremonies kung saan ipaparada ng mga koponan ang kani-kanilang muse.

“I’ve been telling the players not to take anything for granted because one moment of complacency baka mabulaga kami,” sabi ng 58-anyos na mula Sariaya, Quezon at three-time pro league champion coach na si Austria.

Buo na nakapag-ensayo ang Beermen noong Huwebes makaraang sunud-sunod na mabigo sa tatlong laro sa pre-season games kontra Rain or Shine Elasto Painters, Star Hotshots at NLEX Road Warriors.
Nakasama ng Beermen ang bagong rekruta na sina combo guards RR Garcia at Rashawn McCarthy, Keith Agovida at ang sentro na si Arnold Van Opstal.

Nakatulong din ang reigning three-time season Most Valuable Player June Mar Fajardo na patuloy na sasandigan ng Beermen kasama sina Arwind Santos, Marcio Lassiter, Alex Cabagnot, JayR Reyes, Ronald Tubid, David Semerad at Yancy de Ocampo.

Bumubuo sa 15-man lineup ng San Miguel Beer sina Gabby Espinas, Brian Heruela at Chris Ross habang nasa reserved/injured list si Chris Lutz.

Agad naman masusukat ng Star ang antas ng kanilang kahandaan sa pagnanais makabawi mula sa nakakadismayang kampanya nitong nakaraang season sa pagparada ng anim na bagong players na sina Paul Lee, Aldrech Ramos, draftees Jio Jalalon at Chris Javier, at ang mga free agents na sina Samboy de Leon at Alvin Abundo.

“Mabigat, imagine two-time defending champion agad. Sa tingin ko, right now nasa 80-90 percent pa lang dahil hindi pa nagdi-jell nang husto ang team. One month pa lang kaming magkakasama,” sabi ng bagong Hotshots coach na si Chito Victolero, na pumalit sa nilagay bilang team consultant na si Jason Webb noong Oktubre 14.

“Hopefully, mag-work ‘yung defensive scheme na ginawa namin lalo na kay June Mar. Sana hindi siya mag-dominate nang husto,” hirit pa ni Victolero sa kanyang team na binubuo rin nina Justin Melton, Rafi Reavis, PJ Simon, Jake Pascual, Ian Sangalang, Mark Barroca, Marc Pingris, Allein Maliksi at Rodney Brondial.

Read more...