Relasyong Erich-Daniel mamalasin daw matapos magpakasal sa ‘Be My Lady’

 

PAGKATAPOS ng thanksgiving presscon para sa huling linggo ng daytime series ng ABS-CBN na Be My Lady ay biniro namin si Erich Gonzales tungkol sa naisulat namin noon dito sa BANDERA na may konek sa relasyon nila ni Daniel Matsunaga.

Sabi namin, ano ang masasabi niya sa artikulo namin noon na nagkukumpirma sa closeness nila ni Daniel na itinanggi niya sa presscon ng seryeng Two Wives, natatawang sabi ng dalaga, “Ate Reggs, nang-iintriga ka ha!”

Nakita kasi namin sina Erich at Daniel sa Grub Restaurant two years ago na sweet na sweet habang nagpapalipas ng oras dahil guest ang aktres sa programa noon nina Boy Abunda at Kris Aquino.
Natawa si Erich at nagtanong naman si Daniel kung ano yun, kaya lumingon ang dalaga sabay sabing, “Remember when we have a promo, we were in Grub?”
Hirit sa amin ng aktres, “Wala pa kami no’n, char lang! Ha-hahaha! Wala pang aminan noon kami.”

Samantala, tinanong namin sina Erich at Daniel kung hindi ba sila natatakot na baka mauwi sa hiwalayan ang relasyon nila dahil pumayag silang magkaroon ng wedding scene sa Be My Lady.

Ito kasi ang nangyari noon kina Gabby Concepcion at Sharon Cuneta; Richard Gomez at Sharon; Carmina Villaroel at Rustom Padilla at ibang showbiz couples na nauwi sa hiwalayan ang pagsasama.

Sabi ng aktres, “We don’t believe po in premonitions, we believe in God, so if God willing, sa tamang panahon po mangyayari iyon, e, di masaya. Honestly, hindi po natin alam kung anong mangyayari sa future kung kami ba talaga in the end.
“But like right now, ini-enjoy po namin ang isa’t isa at ‘yung foundation ng relationship namin in Jesus Christ. Alam din naman namin na in every relationship, hindi lang ‘yun puro saya lang, di ba?
“Darating tayo sa punto na may mga inisan o magagalit ka. But at the end of the day, there’s two people na who refuse to give up on each other and we’ll make it work naman and we’re almost two years na rin po,” paliwanag ng aktres.

Anyway, pagkatapos daw ng Be My Lady ay lilipad patungong New York sina Erich at Daniel kasama ang pamilya ng huli para magbakasyon bago nila ulit umpisahan ang bago nilang proyekto.

Ang Be My Lady, The Everlasting Finale ay mapapanood na sa Nov. 25 at kaabang-abang daw ito dahil may mangyayaring ikaka-shock ng mga manonood.

 

Read more...