ASAM ng National University ang ikaapat nitong sunod na titulo bagaman nabawasan ng isang matinding karibal sa pagkawala ng University of the Philippines at sa hamon ng iba pang koponan sa pagsambulat ng UAAP Season 79 Cheerdance Competition ngayong alas-2 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagdesisyon ang UP na hindi sumali ngayong taon dahil sa kontrobersiya hinggil sa naging resulta noong nakaraang taon kung saan nagwagi ang NU Pep Squad kahit na nagtala ito ng maraming kamalian kabilang na ang pagkahulog sa kanilang lifts at pyramids. Kabaliktaran ito sa runner-up na UP at UST na nagtala ng malinis na routine.
Nagsampa ang UP ng official complaint sa pagdetalye sa ilang kaduda-dudang judging subalit nanatiling hindi ito nareresolbahan ng mga UAAP officials. Dahil dito ay nagdesisyon ang UP Pep squad na magtuon na lamang sa paglahok sa internasyonal na torneo at hindi sumali sa 2016 competition.
Dahil dito ay inaasahan ang NU Pep Squad na magiging “team to beat” sa kompetisyong kinukunsiderang isa sa biggest crowd drawer ng liga maliban sa men’s basketball at women’s volleyball.
Matatandaang nagwagi ang Bulldogs noong nakaraang taon sa natipong kabuuang 668 puntos mula sa 91.5 sa tumbling, 70.5 sa stunts, 84 sa tosses, 88 sa pyramids at 340 sa dance na pinanood ng 25,388 katao.
naasahan na hahamon ang dating kampeon na University of Santo Tomas Salinggawi Dance Troupe at ang gumawa ng surpresa noong nakaraang taon na Far Eastern University Cheering Squad.
Magkatabla ang UST at UP sa pinakamaraming naiuwing korona sa cheerdance na kapwa may walo habang may dalawa ang FEU na nais gulatin at agawan ng titulo ang NU.
Unang magsasagawa ng performance ang La Salle Animo Squad bago sundan ng UST Salinggawi Dance Troupe, Ateneo Blue Babble Battalion, FEU Cheering Squad, Adamson Pep Squad, UE Pep Squad at NU Pep Squad.