Foton asam ang krusyal na panalo vs RC Cola-Army

Mga Laro Ngayon
(Philsports Arena)
12:30 p.m. Generika vs Cignal
3 p.m. RC Cola-Army vs Foton
Team Standings: Petron (8-1); Foton (6-1); F2 Logistics (6-3); RC Cola-Army (3-4); Cignal (1-6); Generika (0-9)

IBUBUHOS ng Foton Tornadoes ang buong puwersa sa pagsagupa nito sa RC Cola-Army Troopers sa paghahangad sa krusyal na panalo na magpapaganda sa tsansa nito sa unang silya sa semifinals ng 2016 Asics Philippine Superliga (PSL) Grand Prix hatid ng PLDT Home Ultera ngayong hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Unang magsasagupa ganap na alas-12:30 ng tanghali ang kapwa nangangapa na Generika Lifesavers at Cignal HD Spikers bago sundan ng tampok na salpukan ng dating tatlong beses nagkampeon na RC Cola-Army kontra sa nagtatanggol na kampeon na Foton.

Bitbit ang 6-1 panalo-talong kartada ay hangad ng Tornadoes mawalis ang tatlo nitong natitirang laro upang agawan ng puwesto ang Petron Tri-Activ Spikers sa unang silya sa semifinals ng torneo kung saan nakataya sa tatanghaling kampeon na irepresenta ang bansa sa AVC Women’s Club Championships sa susunod na taon sa Taiwan.

Magbabalik sa Tornadoes ang terror sa net na si Jaja Santiago matapos ang 12-araw na pagsasanay sa Japan kasama ng National University habang hindi naman makakalaro si EJ Laure.

Huling nabigo ang Tornadoes na hindi kasama si Santiago kontra F2 Logistics Cargo Movers, 15-25, 25-23, 23-25, 26-24, sa laro na ginanap sa Imus City Sports Complex.

Nangunguna sa kasalukuyan ang Petron na may 8-1 panalo-talong marka matapos na biguin sa straight sets ang Cignal noong Huwebes, 25-18, 25-10, 25-17.

Read more...