MOVIE REVIEW: ‘The Unmarried Wife’ itinayo ang bandera ng mga ligal na misis

the unmarried wife

KUNG sa mga nakaraang buwan ay puro mga mistress ang temang nauso sa mga pelikula, iba naman ang sa ‘The Unmarried Wife,’ nina Dingdong Dantes at Angelica Panganiban, kasama pa si Paulo Avelino, kung saan bandera ng mga ligal na misis ang isinulong nito.
Kwento ito ng love story nina Anne(Angelica) at Geoff (Dingdong), kung paano sila nagkakilala, nagligawan, nagpakasal hanggang sa kanilan pagsasama.
Ordinaryong kwento ito ng buhay mag-asawa hinggil sa pangangaliwa ng mister at kung paano kinaya at nagsakripisyo ang misis para lamang maisalba ang kanilang pamilya.
Bibilib ka sa acting ni Angelica dahil sobrang napakanatural ng kanyang pag-arte bilang Anne lalu na sa napakaraming eksena kung saan siya umiiyak dahil sa sakit na dulot ng pangangaliwa ng kanyang mister na si Geoff.
Halatang may pinaghuhugutan si Angelica sa kanyang pag-arte kayat walang ka-effort-effort ang mga eksena habang siya ay umiiyak.
Napaka-effective din ng acting ni Dingdong bilang nangaliwang lalaki.
Sobrang galing din ng pag-arte ni Paulo sa kanyang acting din kung saan may konting twist sa pelikula.
Maraming aral na mapupulot sa pelikula lalu na ang mga misis na nakakaranas din ng pangangaliwa ng kanilang mister.
Nasabi kong itinayo ng pelikula bandera ng mga ligal na misis dahil na rin sa pagdidiin dito sa mga mistress na ang mga misis pa rin ang may karapat sa larangan ng batas.
Isinulong din ng pelikula ang pagpapanatili sa pagiging sagrado ng isang pamilya.
Kahit mahaba ang pelikula ay hindi ka maiinip dahil napakaswabe ng pagkakagawa nito.
Sa galing ng acting ni Angelica ay hindi na kataka-taka kung magkakaroon siya ng acting award.
Standout din dito si Dimples Romana kung saan, nakilala rin ang galing sa kanyang pag-arte sa pelikular ‘The Escort.’
Isang abogado at kaibigan ni Angelica ang role rito ni Dimples.
Rated R-13 ang pelikula pero disente ng mga eksena, kumpara sa mga naunang pelikula na binigyan ng din ng R-13 ng MTRCB.
Siyempre asahan niyo na ang pagbaha ng luha habang nanonood ng pelikula dahil maraming makakarelate na mga misis at mga naloloko sa kanilang relasyon.
Sa iskor na 0 hanggang 10 kung saan 10 ang pinakamataas, bibigyan ko ito sa 10 dahil sa pagsusulong ng karapatan ng mga misis at pagbibigay ng pagkilala sa pagiging sagrado ng pamilya.

Read more...