MADALAS na isyu sa hanay ng mga Overseas Filipino workers nitong nagdaang mga taon kung lehitimo nga bang mga OFW ang kanilang kinatawan sa Kongreso?
Sa 17th Congress ng House of Representatives nailuklok si Representative Aniceto “John” Bertiz III ng ACTS OFW partylist, at siyang nagsisilbing boses ngayon ng ating mga OFWs.
Ibinahagi ni Bertiz sa Bantay OCW ang kaniyang buhay-OFW sa Saudi Arabia nang bumisita ito sa Radyo Inquirer. Nabanggit niyang sumunod siya sa mga yapak ng kaniyang ama bilang isang OFW.
Hindi lang sa idea siya sumunod kundi literal din niyang sinundan ang ama sa Saudi para doon magtrabaho.
Kahit bata pa noon si Bertiz, sa edad na 18, pinili niyang mangibang-bayan upang makatulong sa kanilang pamilya dahil sa labis nilang kahirapan.
Kuwento pa ni Bertiz, nagsimula siya sa pinakamababang posisyon sa kanilang kumpanya bilang “office boy”. Nagtitimpla ng kape at naglilinis ng mga kuwarto sa kanilang opisina.
Kasabay noon, nagtitinda rin siya ng pagkain para sa mga kapwa Pinoy hanggang sa paggawa ng balot para maibenta niya sa ating mga kababayan.
Hanggang sa kalaunan, naging marketing staff siya at naging manager siya. Kinilala si Bertiz bilang siyang kauna-unahang Pinoy manager sa kanilang tanggapan.
Palibhasa’y masinop si Bertiz, marunong sa paghawak sa salaping kaniyang pinaghihirapan, kung kaya’t nagtagumpay ito sa kaniyang pag-aabroad.
Natuto ‘anya siyang mag-plano, masusing pinag-iisipan ang bawat desisyon at pinaglalaanan ang mga bagay-bagay sa bawat paggasta ng salaping pinuhunanan niya ng sariling pawis at pagsasakripisyo.
Ngayong siya naman ang nasa posisyon upang makatulong, pinili niyang maglingkod sa mga kapwa OFW sa pamamagitan ng pagiging kinatawan ng mga ito sa Kongreso.
Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagpahayag na nais niyang itayo ang OFW Department sa ilalim ng kaniyang administrasyon.
Agad naghain ng panukalang batas si Bertiz hinggil sa pagkakaroon ng isang departamento na mangangalaga at titingin sa kapakanan ng bawat OFW.
Umaasa siyang maipapasa ito bilang batas sa kabila ng mga pagkontra ng ilang mga mambabatas.
Higit sa lahat, nais ni Bertiz na matutong pangalagaan at pangasiwaan ng bawat OFW ang salaping pinaghihirapan sa abroad sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tamang kaalaman pagdating sa mga usaping pinansiyal.
Para kay Bertiz bawat kontratang pipirmahan ng isang OFW, dapat may kaakibat na mga plano ito kasama ang buong miyembro ng pamilya at maliwanag sa bawat isa ang mahalagang papel na kanilang gagampanan sa buong panahon na nasa abroad ang OFW.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM tuwing lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ngumaga hanggang alas-12 ng tanghali. Audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW Email:bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com