Sebastian sinaksak upang hindi maikanta si de Lima

     Jaybee-Sebastian-Leila-de-Lima
Tinangka umanong patayin ang high profile inmate na si Jaybee Sebastian sa riot sa loob ng New Bilibid Prison noong Setyembre 28 upang hindi ito makapagsalita laban kay Sen. Leila de Lima.
     Sa pagdinig ng House justice subcommittee on correctional reforms, sinabi ni Chief Supt. Francisco Ebreo na mayroong affidavit si Tomas Doniña, ang sumaksak kay Sebastian.
     Sinabi umano ni Doniña na isang kaibigan sa Philippine Navy ang nag-utos sa kanya na patayin si Sebastian. 
     “May kumausap sa kanya na dating kasamahan sa Navy na gawan niya ng paraan mapatahimik at mapatay para hindi siya makapagsalita laban kay Ma’am Leila De Lima sa laban sa droga sa New Bilibid Prison,” ani Ebreo.
     Umaga ng Setyembre 28 ng tangkaing patayin ni Doniña si Sebastian sa Building 14 ng NBP.
    Ayon kay Ebreo wala pang nasasampahan ng kaso kaugnay ng riot at ipinaubaya na nila ito sa NBI. Ang trabaho umano nila ay imbestigahan lang ang pangyayari.
     Hindi naman ito nagustuhan ni House Deputy Speaker Fredenil Castro dahil paikot-ikot umano ang naging proseso.
     Dapat ang PNP na umano ang naghain ng reklamo sa Department of Justice dahil sila naman ang nag-imbestiga.

Read more...