NOONG nakaraang buwan pa inaasahan ni Transportation Sec. Art Tugade na aaprubahan ng Kongreso ang hinihinging emergency power na gagamitin upang mapagaan ang daloy ng trapiko sa Metro Manila, Metro Cebu at Davao City.
Hindi pa ito naibibigay ng Kongreso, na nag-iingat upang masiguro na hindi maaabuso ang dagdag na kapangyarihan. Tama rin naman.
Noong nakaraang linggo ay naghain ng panukala si House Speaker Pantaleon Alvarez kaugnay nito.
Sa kanyang bersyon ay mayroong bahagi na nakapukaw sa aking atensyon partikular sa dulo ng Section 6 ng House bill 4334 o ang Traffic Crisis Act of 2016 Makiisa. Makisama. Magkaisa.
Nakasaad doon: “The Traffic Chief’s, together with the Undersecretaries, Assistant Secretaries and Directors of the DOTr and MMDA, are REQUIRED to take the public land, rail, maritime and aviation transportation, primarily used by the masses, AT LEAST ONCE A WEEK to monitor the traffic crisis during the effectivity of this Act.” (emphasis supplied)
Ang Traffic Chief na tinutukoy dito ay si Tugade (hindi pa nakukumpirma ng Commission Appointment ang pagtatalaga sa kanya kaya kailangan siyang i-reappoint ni Pangulong Duterte).
Nakakatuwa naman ang probisyong ito.
Mukhang gusto ni Alvarez na maramdaman ng mga opisyal ng mga ahensya na may kinalaman sa trapiko kung ano ang nararamdaman ng masang Pilipino na araw-araw naghihirap sa pagpasok at pag-uwi.
At sa palagay ko ay tama ito. Para nga naman hindi sila puro sa papel lamang nagbabase.
Wala rin sigurong magiging problema dito si Tugade dahil laki siya sa hirap. Hindi niya itinatago ang pagiging laki sa squatter at ang paglilingkod niya sa bayan ay ang bayad niya sa kabaitang ipinakita sa kanya ng lipunan.
Sana lang ay maging totoo ang pagsakay ng mga opisyal. Sana ay walang special treatment sa kanila.
Pumila rin sila sa pagsakay sa Metro Rail Transit at maghintay din ng masasakyang bus sa gilid ng EDSA. Wag naman sana na may espesyal na bus na hihinto sa kanilang tapat at may hahawi sa mga tao na makikipag-unahan sa kanila sa pagsakay.
Gawin sana nila ito kapag rush hour. Yung tipong nararanasan ng marami na mas matagal ang iginugugol na oras sa pgpila paakyat ng MRT kaysa sa aktuwal na biyahe.
At sana masira ang MRT kapag nakasakay na sila. Yung hihinto yung tren sa gitna ng dalawang istasyon para maranasan din nilang maglakad sa riles, sa gitna ng sikat ng araw o kaya pag malakas ang buhos ng ulan.
Sana ay wala ring naghihintay na upuan sa kanila sa pagsakay nila sa mga pampublikong sasakyan.
Subukan din nila ito kahit na umuulan o tirik ang araw. At sana wala silang katabi na hahawak ng payong para hindi sila mabasa o mainitan.
At gawin sana nila ito nang hindi nagpapasabi para hindi mapaghandaan. Yung walang abiso na sila ay sasakay sa ganito o sa ganyan.
Kapag nagawa nila ito, sa palagay ko ay magiging mabilis ang pagresolba sa mga problema.
Dapat sa kanilang pagsakay linggo-linggo ay mayroon silang makita na magandang pagbabago.
Pag hindi pa ba naman nila naintindihan kung bakit mayroong mga tao na pumupuwesto sa gitna ng kalsada sa pag-aabang ng masasakyan, ewan ko na lang.