Dapat matanggal ang estupidong judge

MALIBAN sa paghingi ng tulong sa Malaysia na habulin ang mga piratang Abu Sayyaf na nagsasagawa ng kidnapping sa border ng bansang nabanggit at Pilipinas, inimbita din ni Pangulong Digong ang mga negosyanteng Malaysian na mag-invest sa ating bansa.

Nangyari ang request at invitation noong pumunta si Mano Digong sa Malaysia on an official visit.

Ang pakisuyo ng Pangulo tungkol sa border security ng Malaysia at Pilipinas ay inuohan agad ng Malaysia dahil ito’y para sa kapakanan ng dalawang bansa.

Pero nakakaduda kung merong negosyanteng Malaysian na sumakay ng imbitasyon na mag-invest sa ating bansa.

Nadala na kasi ang mga Malaysians sa Pilipinas.

Ilang taon na ang nakaraan nang isang Malaysian ay nanalo sa public bidding na bilhin ang Manila Hotel.

Fair and square ang pagkapanalo ng Malaysian sa public bidding.

Isang Pinoy na Intsik ang ayaw pumayag na mapasakamay ang Manila Hotel sa Malaysian.

Idinulog niya ang kanyang pagkatalo sa Supreme Court.

Nagdesisyon ang Korte Suprema na ibigay ang Manila Hotel sa natalong Pinoy na Intsik.

Sino namang gagong foreign investor na makikipagsapalaran sa bansa kung hindi mapoprotektahan ang kanilang investments?

Pero noon yun at iba na ngayon.

Sa administrasyon ni Digong Duterte, protektado na ang mga investors.

***
Nang mabasa ni Mano Digong ang aking item sa INQUIRER at dito sa Bandera na kinutongan ng isang opisyal ng Makati Police Station ang isang Singaporean na may-ari ng isang negosyo.

“Naghihirap akong magyaya ng foreign investors na pumunta sa bansa, at itong P.I. pulis na ito ang nagtataboy sa kanila,” ani Digong.
***
Marahil noong siya’y estudyante pa sa law, natutulog si Eastern Samar Judge Tarcelo Sabarre sa loob ng classroom nang pinag-usapan ang pagi-isyu ng search warrant.

Si Sabarre ang nag-isyu ng search warrant na dinala ng mga pulis sa Leyte Provincial Jail upang i-serve kay Albuera Mayor Rolando Espinosa.

Pinatay ng mga pulis si Espinosa at ang kanyang cellmate na si Raul Yap dahil nanlaban daw ang mga ito.

Kahit isang law student ay alam na hindi na kailangan ang search warrant kapag hahalungkatin ang isang selda sa kulungan.

Pinapaliwanag ng Supreme Court si Sabarre kung bakit siya nag-isyu ng search warrant sa paghalughog sa isang kulungan.

Dapat ay sipain itong si Sabarre sa pagka-judge dahil di niya alam ang batas.
***

Dapat matuto ang ibang government officials kay Philippine National Police Chief Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang viaje sa Las Vegas upang mapanood ang Manny Pacquiao-Jessie Vargas fight.

Nasa hot water ngayon si Bato dahil sa kanyang admission na binayaran ni Pacquiao ang plane tickets at hotel accommodations niya at ng kanyang pamilya.

Pinaiimbestigahan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang PNP chief dahil sa paglibre sa kanya at kanyang pamilya ni Pacquiao.

May batas kasi na nagbabawal sa isang public official na mag-solicit o tumanggap ng gift, gratuity, favor, entertainment, loan or anything of monetary value sa kanino man kapag ito’y nakakaapekto sa trabaho ng opisyal.

Pero bakit si Bato lang ang sini-single out ng Ombudsman samantalang may ibang opisyal din na pumunta sa Las Vegas na all-expenses paid for by Manny Pacquiao?

Read more...