NAGKASYA sa tatlong pilak si Ma. Dessa delos Santos sa 53-kilogram girls category upang pamunuan ang delegasyon ng Pilipinas sa paghakot ng medalya sa ginaganap na 18th Asian Youth (Boys’ & Girls’) Weightlifting Championships & 23rd Asian Junior Women’s & 30th Asian Junior Men’s Weightlifting Championships sa Ota City General Gymnasium sa Tokyo, Japan.
Tumapos ang 17-anyos na si Delos Santos na ikalawa sa snatch at clean and jerk at total lift upang makumpleto ang tatlong pilak sa una nitong paglahok sa internasyonal na torneo.
Nagwagi naman ng dalawang tanso ang 16-anyos na si John Paolo Rivera, Jr. sa 50kg boys, at isang tanso sa 13-anyos na si Rosegie Ramos sa 44kg girls para sa anim na medalyang nakamit ng Pilipinas sa Youth level ng torneo.
Tanging di nakapagwagi ng medalya sa unang apat na sumabak ang ka-event ni Ramos na si Leonida Cambarijan sa nagbukas na 23-bansa, siyam na araw na torneo na nagsimula noong Nobyembre 8 at magtatapos sa Nobyembre 16.
Sasabak pa lamang ang ibang mga pambato ng bansa na umaabot sa 15 na may 10 babae at 5 lalaki. Sila ay sina Kristel Macrohon sa 69kg, Margaret Colonia sa 63kg at Elreen Ann Ando sa 59kg lahat sa women’s, Elbert Atilano, Jr. at John Fabuar Ceniza sa 62kg, Elien Rose Perez, Roel Garcia at Mark Cuico sa 56kg na lahat sa men’s, Renee Aliana Lao at Jane Linete Hipolito sa 58kg at Mary Flor Diaz sa 48kg pawang sa girls.
“Everyone’s here. All the big guns in the world China, Korea, Japan, Vietnam, Thailand, Taipei, etc. including aspiring India, Sri Lanka, Myanmar etc. all with one purpose. Like us, they’re also preparing for the 2020 Tokyo Olympics,” sabi ni Philippine Weightlifting Association (PWA) president Monico Puentevella sa kanyang Facebook account.
“This is why PWA is grateful to PSC under Chairman Ramirez and President Digong for allowing us to bring our biggest delegation here for the necessary exposure. Some of these kids have never even left their provinces till now but fighting the best in the world here. Our competitors here are the same we shall meet in 2020,” sabi pa ni Puentevella.
Nagbi-bid din si Puentevella na makapag-host ang bansa ng international event sa hinaharap sa Manila na nirespondehan naman agad ng International Weightlifting Federation at Asian Weightlifting Federation nang makuha ang 2017 AWC Congress kung saan minsan na siyang naging pangulo.