BUKAS si Ormoc City Mayor Richard Gomez sa hakbang ng Philippine National Police (PNP) na imbestigahan siya kaugnay ng umanoy pagkakasangkot sa iligal na droga.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gomez na nakatakda niyang pangalanan ang mga “ninja cops,” o mga pulis na muling nagbebenta ng mga nakumpiskang shabu at nagbibigay ng proteksyon sa mga sindikato ng droga.
“Sa mga nagkakalat at may kinalaman sa drugs, pananagutan ninyo ito, wag kayong mandamay. Man up,” sabi ni Gomez.
Idinagdag ni Gomez na hindi siya magsasawalangkibo sa malisyosong mga paratang sa kanya.
“Face up to the consequences of your actions. Wag niyo guluhin [ang] issue. Wag nyo ipahid sa mga inosente ang kawalanghiyaan na ginagawa ninyo ng marami ng taon,” dagdag ni Gomez.
Nauna nang sinabi ni PNP Chief Director Gen. Ronald “Bato” dela Rosa, na iimbestigahan si Gomez matapos pangalan sa isinagawang pagdinig ng Senado na kabilang sa grupo ng napatay na si Albuera mayor Rolando Espinosa Sr. at kanyang anak na si Kerwin.
“Maybe other people do not think much of keeping their names clean, but I do. I value my good name. Fame, power – all that is fleeting. But a good name, a good, clean name is my real wealth,” giit ni Gomez.