JC De Vera payag sa libreng talent fee pero sa isang kundisyon…

jc de vera

WALANG isyu kay JC de Vera ang talent fee pagdating sa paggawa ng indie movie, basta ang mahalaga raw ay kung gaano siya matsa-challange sa role na ibibigay sa kanya.

Ayon kay JC, bago siya tumanggap ng proyekto, mapa-teleserye man o pelikula, una muna niyang pinag-aaralan ang tema ng kuwento at kung gaano kalakas ang magiging impact nito sa kanyang career.

“Second na lang kasi yung tatanggapin mong TF, if you’re really passionate about your craft, about your job as an actor, minsan kahit walang bayad okay lang, eh. Yung tamang pang-gas lang ba papunta sa location at pauwi.

“Pero hindi, eh, natatapos ka na very fulfilled at yon yung importante for me, na alam mo yon, nakagawa ka ng isang project na gustung-gusto mo, walang walls, walang hesitations sa kahit ano at wala kang limitations,” pahayag ng Kapamilya hunk nang makachika ng ilang entertainment reporter sa pocket presscon ng pelikulang “Tisay”.

Isa sa mga official entry ng 2016 Cinema One Originals Film Festival ang “Tisay” na mapapanood na simula ngayong araw. Makakasama rito ni JC ang tinanghal na Best actress sa katatapos lang na International Manhattan Film Festival sa new York na si Nathalie Hart (Siphayo) at ang premyadong aktor na si Joel Torre.

Actually, ikatlong indie movie na ni JC ang “Tisay”, ang dalawa pang nagawa niya ay ang “Salvage” at “Best Partee Ever” na naging entry naman sa nakaraang QCinema Film Festival 2016 kung saan nanalo nga siyang best actor para sa kanyang pagganap bilang baklang preso.

Pahayag pa ng binata, “Iba kasi talaga yung fulfillment ng paggawa ng indie movie. Yung excitement na nakukuha mo sa indie is yung character-based talaga siya at may freedom ka kung paano mo siya gagampanan.

“I guess iyon ang fulfillment na nakukuha ng isang artista sa indie, very different from mainstream. Kasi pag mainstream, alam ng tao na si JC yung pinapanood mo, pero sa indie, iba rin,” aniya pa.

Ano ang mas challenging, ang role niya sa “Best Partee Ever” o ang ginampanan niyang karakter sa “Tisay”? “Both are challenging. Pero mahirap din itong ‘Tisay’ kasi we shot the movie on actual locations in Tondo na overcrowded, masikip, sobrang dami ng tao kaya nightmare ang crowd control at ang mga tao, tumitingin sa camera.

“Mga ordinaryong tao lang kami, mahihirap, ayaw ng direktor namin, si Borgy Torre, na magmukha kaming artista. He wants us all the be looking so plain and common,” paliwanag ni JC.

Posible bang manalo uli siyang best actor dito? “I can’t say. It’s up to the judges, but as usual, I gave my all in portraying my role. Kung ibibigay ba sa’kin, why not? It’d be nice to win again.”

q q q

Natanong din si JC kung may pressure ba ngayong may best actor award na siya, “Wala naman, pero may conscious effort na mag-move forward. Continue working hard. Tapos back to normal ako. Hindi naman talaga siya pumasok sa ulo ko, tuloy pa rin, ganu’n pa rin naman.”

Dagdag pa ng aktor, regalo raw niya sa kanyang mga magulang ang napanalunang best actor trophy, gusto raw niyang bumawi sa mga ito matapos siyang huminto sa pag-aaral para mag-artista.

“Ang regalo ng magulang ko sa akin is education and ginive-up ko yung regalo nila sa akin para lang pumasok sa industriyang hindi ko naman alam.

“So, siyempre sobrang happy ako, na-reach ko yung goal ko na hindi man ako nasabitan ng medal dahil grumadweyt ako, pero meron akong ibibigay sa kanila in return na ito rin yung pinaghirapan ko na puwede kong iregalo sa kanila. Hindi ako nakapag-college, eh. Ginib-up ko yon for this industry, pero at least, may napatunayan din naman ako sa kanila kahit papaano,” ani JC.

Bukod dito, nagsimula na rin siyang mag-shooting para sa next mainstream movie niya under Star Cinema, “It’s tentatively titled ‘Dear Other Self’ and I’m doing it with Jodi Sta. Maria and Joseph Marco, directed by Veronica Velasco. Masaya ‘to kasi may mga eksena kami na kukunan sa Thailand.

Tapos nagsimula na rin kami sa bagong soap, title niya is The Better Half, this is a psycho-thriller naman with Shaina Magdayao, Carlo Aquino and Denise Laurel.”

Anyway, sa lahat ng gustong manood ng “Tisay”, magkakaroon ito ng premiere night sa Trinoma ngayong gabi, at para sa kumpletong schedule ng “Tisay” screening, check n’yo lang ang Cinema One website.

Read more...