PUERTO Princesa City – Tatlong gintong medalya at dalawang pilak ang agad na iniuwi ng Dragonboat squad ng Philippine Canok-Kayak Dragonboat Federation (PCKDF) sa pagsambulat dito Biyernes at Sabado ng 2016 Asian Club Crew at Palawan Open Championship sa bagong gawa na parke na Baywalk.
Pinangunahan ng Pinoy paddlers ang dalawang heats ng 20-seater men’s 500m at junior mixed 500m Biyernes ng umaga upang tipunin ang pinakamabilis na pinagsamang oras para matagumpay nitong maipagtanggol ang kanilang mga medalya na kanilang napanalunan dalawang taon ang nakalipas sa Thailand.
Nagdagdag din ito ng pilak sa 10-seater men at ang bagong buo na koponan sa 10-seater women sa 500m.
Hindi naman nagpaiwan ang bagong buo lamang na Philippine women’s team na nasa una pa lamang nitong pagsali sa internasyonal na torneo matapos na dominahin ang small boat women’s 200m para sa ikatlong ginto ng Pilipinas.
“We never expected them to win the gold dahil malakas talaga ang Thailand. Wala pa iyan halos two months nabuo at ngayon lang talaga nagkasama-sama dahil madalas sila sa mixed team kaya nagulat kami noong naungusan nila sa first heat tapos hinabol ang Thailand sa last 50 meters ng second heat para manalo,” sabi ni PCKDF national head coach Lenlen Escollante.
Itinala ng Pinay paddlers ang kabuuang oras na 54.453 segundo para sa gintong medalya habang kasunod nito ang Thailand (54.753) at ikatlo ang Indonesia (55.351).
Parehas naman tinalo para sa ginto ng Pinoy paddlers ang Chinese Taipei sa standard boat men’s 500m at small boat junior mixed 500m.
Itinala ng Pinas ang oras na 1:52.720 kontra sa 2:11.497 ng Chinese Taipei sa standard habang may 2:10.287 ito kontra 2:11.497 sa junior mixed.
“Hindi parehas ang lalim ng mga lanes, may mababaw, may malalim at points lang ang lamang sa atin,” paliwanag naman ni national coach Diomedes Manalo. “Naiwanan ng isang bangka ‘yung kalaban nila sa 500m men 20-seater at sa junior naman ay dikit ang labanan pero ang mga beterano natin katulad ni Ojay (Fuentes) hindi sila pumayag na talunin.”