DLSU Green Archers natumbok ang ika-13 panalo

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
2 p.m. UP vs UE
4 p.m. NU vs Adamson

BUMANGON ang De La Salle University Green Archers sa pagkakalasap sa tanging mantsa sa torneo matapos na biguin ang nagtatanggol na kampeong Far Eastern University Tamaraws, 73-67, sa kanilang UAAP Season 79 men’s basketball game kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Naghulog ang Green Archers ng matinding 13-2 bomba sa huling 5:23 ng laro upang umahon mula sa bingit ng ikalawang sunod na kabiguan sa pagtabon sa 50-65 paghahabol kontra FEU Tamaraws tungo sa pagkolekta sa ika-13 nitong panalo kontra sa isang talo.

Ipinamalas ng La Salle ang matinding depensa upang limitahan ang defending champion na FEU sa dalawang puntos lamang matapos hawakan ang abante sa pagsisimula ng ikaapat na yugto upang manatili sa unahang silya bitbit ang twice-to-beat na bentahe.

Ang panalo ng La Salle ay hindi lamang naghulog sa Tamaraws sa ikalawang sunod nitong kabiguan at ikatlong puwesto sa bitbit na 8-5 panalo-talo kartada kundi nagpahigpit lalo sa labanan para sa ikalawang puwesto na nakataya ang dalawang beses tataluning insentibo sa pagtuntong sa semifinals.

Ito ay matapos naman na magwagi sa unang laro ang Ateneo de Manila University, na kinolekta ang ikalima nitong sunod na panalo, sa pagbigo sa season host na University of Santo Tomas, 74-64.

Inokupahan ng Ateneo ang ikalawang puwesto sa tangan na 9-4 panalo-talo karta bagaman hindi pa ito nakakasiguro sa twice-to-beat incentive dahil sa posibilidad na magkaroon ng tatlong koponan na pagtatabla base sa magiging resulta ng huling laro ng torneo.

Makakasagupa pa ng Tamaraws ang napatalsik na University of the East habang magtatapat ang Adamson at Ateneo sa pinakahuling laro matapos na makansela ang dapat na paghaharap dahil sa bagyong Karen.

Sinandigan ng La Salle si Jeron Teng na may 17 puntos at dalawang assists.

Read more...