Nathalie Hart nakipaghiwalay sa Lebanese Bf dahil kay JC De Vera

NATHALIE HART AT JC DE VERA

NATHALIE HART AT JC DE VERA

HINIWALAYAN ni Nathalie Hart ang kanyang Lebanese BF para kay JC de Vera.

Ito ang inamin ng sexy actress nang makachika namin sa pocket presscon ng bago niyang pelikula, ang “Tisay” na official entry sa Cinema One Originals Film Festival na magsisimula na sa darating na Nov. 14.

Ayon kay Nathalie, na isa na ngayong award-winning actress matapos manalong Best Actress sa International Film Festival Manhattan (IFFM) sa New York City para sa kontrobersiyal na pelikulang “Siphayo”, hiwalay na sila ng kanyang foreigner na dyowa dahil sa kanyang pagiging artista.

Noong malaman daw ng kanyang boyfriend na magkakaroon siya ng kissing scene at love scene sa “Tisay” ay sinabihan siya nitong tumigil na sa pagtratrabaho. Very conservative raw kasi ang kanyang ex.

“Nalaman niya na may kissing scene ako kay JC, sabi niya either you pick your job or you pick me. Sabi ko talaga sa kanya, ‘I pick my job!’”

“Naloka siya! Sabi ko hindi, eh. If I don’t work, ano ang panggastos ko? Bibigyan mo ba ako? Okey lang sana kung bibigyan mo ko eh, I mean relationship tayo hindi naman ako random na babae lang may love and care. Pero kung kunyari sabihin mo sa akin wag kang magtrabaho, aba! Tumigil ka! Tapos wala kang ibinibigay sa akin aba, kapal ng mukha mo!”

Eh, paano kung may lalaking handang ibigay sa kanya ang lahat kapalit ng pagtigil niya sa pag-aartista? “Siguro yung kalahati ng perang ‘yun magpo-produce na lang ako. Ha-hahaha! Hindi pa rin ako aalis sa showbiz,” natatawang sabi ni Nathalie.

“For me kasi ito lang yun eh, kung hindi mo naman ako pakakasalan tapos papatigilin mo ko sa trabaho ko, e, napakabata ko pa. Paano pagnagkahiwalay kami after two years? Saan ako mapupunta? Sa kangkungan?” chika pa ng dalaga.

Samantala, sa pelikulang “Tisay”, muling napalaban sa halikan at love scene si Nathalie kina JC de Vera at Joel Torre, pero ayon sa sexy actress, parang nasanay na siya sa mga ganu’ng katitinding eksena dahil pinagdaanan na niya ito sa “Siphayo” kung saan meron pa siyang frontal nudity.

Pero siniguro ni Nathalie na hindi rin sila mapapahiya sa mga manonood ng “Tisay” dahil bukod sa maiinit nilang eksena nina JC at Joel, ang titindin rin ng mga drama moments nila sa movie, kabilang na riyan ang eksena kung saan bugbog-sarado siya sa karakter ni Joel Torre na isang lider ng sindikato.

“Ako kasi yung parang kanang kamay niya rito, ako yung tagakolekta ng pera niya. Anak yung turing niya sa akin pero ginagamit niya ako, yung katawan ko. Pero dumating ‘yung time na ayoko na dahil na-in love na ako kay JC, so du’n na magsisimula ‘yung pagpapahirap niya sa akin!” kuwento pa ni Nathalie.

May nakapagsabi sa amin na pang-best actress uli ang akting ni Nathalie sa “Tisay” kaya posibleng magkaroon siya ng back-to-back acting award.

Narito ang screening schedule ng “Tisay” sa pagsisimula ng Cinema 1 Originals filmfest: Nov. 14, 9 p.m. (Trinoma); Nov. 15, 2:30 p.m. (Glorietta); Nov. 15, 6:40 p.m. (Greenhills Theater Mall); Nov. 16, 5 p.m. (Glorietta); Nov. 17, 8 p.m. (Cinematheque Manila); Nov. 19, 3 p.m. (Cinematheque); at Nov. 22, 12:30 p.m. (Gateway).

Read more...