Matutuloy ba sa Dubai? (2)

Sulat mula kay Tiffany ng San Pedro, Toril, Davao City
Problema:
1. Nag-aaplay ako sa abroad bilang isang saleslady. Nasa agency na po ang aking mga papeles at naghihintay na lang ako ng tawag para sa interview ng magiging employer ko. May tumutulong naman po sa akin, ang pinsan ko na nasa Dubai. Siya rin ang nagsabi sa akin na dumaan ako sa agency na siya rin ang nagbigay.
2. Kaya lang medyo naiinip na po ako dahil dalawang buwan na akong naghihintay. Nais ko sanang itanong kung matutuloy kaya ako. Kung matutuloy ako, kailan kaya? Kung nasa Dubai na ako magiging maganda kaya ang buhay ko doon? December 10, 1990 ang birthday ko.
Umaasa,
Tiffany ng Toril,
Davao City
Solusyon/Analysis:
Astrology:
Ang zodiac sign mong Sagittarius (Illustration 2.) ay nagsasabing susuwertehin kang makapag-abroad sa buwan ding ito ng Disyembre, higit lalo kung ang tumutulong sa iyo na pinsan mo ay isang Aries o isang Leo.
Numerology:
Ang birth date mo na 10 ay nagsasabing sa sandaling nakapag-abroad ka nang una, tuloy-tuloy na iyon—tuloy-tuloy ka nang susuwertehin sa pagpapabalik-balik sa abroad. Ngunit ang tangi lamang na dapat mong iwasan ay ang mga wala sa lugar at imoral na relasyon na sa sandaling naiwasan mo ay magsisimula ka nang uunlad at magiging maligaya habangbuhay lalo na sa aspetong pangmateryal na bagay.
Graphology:
Bahagyang inobasyon ang kailangan sa iyong lagda. Kung saan, gawin mong tuwid na guhit ang pinakapaa ng letrang “a” sa dulong bahagi ng iyong lagda. Kapag nagawa mo ‘yan tuloy-tuloy ka nang magtagumpay at mananagana.
Huling Payo at Paalala:
Tiffany, ayon sa iyong mga datos, hindi ka dapat mainip sa paghihintay dahil ang kinaiinipan mo ay kusa nang darating sa Disyembre sa taong ito. Habang nakasuot ka ng kulay na dilaw, darating ang magandang balita na tuloy na tuloy ka na. At habang nasa eroplano namang patungong ibang bansa, sa suot mong damit na kulay pula, may pangako ng mas marami pang suwerte at magagandang kapalaran ang tiyak na bubuhos sa iyong karanasan sa Dubai.

Read more...