Laban ni Pacquiao kay Vargas bumenta

HINDI lang ang mga suntok ni Manny Pacquiao ang malakas kundi ang hatak niya sa mga manonood.

Mahigit 16,000 fans ang dumagsa sa Thomas & Mack Center para panoorin si Pacquiao na dominahin sa loob ng ring si Jessie Vargas noong Linggo na nangahulugan na ang Fighting Senator ay nananatiling malakas pa rin ang hatak hindi lang sa Estados Unidos kundi maging sa iba pang panig ng mundo.

Bagamat naging matabang ang pagtanggap sa laban bunga na rin ng 7-1 bentahe sa pustahan ni Pacquiao kay Vargas at ang pagkawala ng mga pangunahing pay per view network tulad ng Showtime at HBO, nagawa pa ring bumenta ni Pacquiao.

Subalit ibang usapan pa rin ang PPV. Bagamat hindi pa malalaman ang opisyal na bilang hanggang sa Biyernes, sinabi ng adviser ni Pacquiao na si Mike Koncz na umaasa sila sa magandang numero.

Di tulad ng dati kung saan si Pacquiao ay umaabot ng milyong PPV buys sa magkasunod na taon, sinabi ni Koncz na asinta nila ang katamtamang numero.

“If we hit 400,000 PPV I’ll be very happy,” sabi ni Koncz. “We did 320,000 on (Tim) Bradley and I never expect the Bradley fight to sell at all anyway.”

Ayon kay Koncz, ang mga opisyal na bilang ay ilalabas ni promoter Bob Arum bukas. Ang Top Rank Inc. ni Arum ang humawak sa pamamahagi ng PPV matapos na umayaw ang HBO na ipalabas ang laban.

Gayunman ang pagsadsad sa PPV buys ay hindi lang sa mga laban ni Pacquiao.

Ito ay nangyari rin sa farewell fight ni Floyd Mayweather kontra Andre Berto noong isang taon kung saan nakakuha lang ito ng 400,000 matapos ang kanyang record-smashing showdown kay Pacquiao noong 2014. Ang laban nina Pacquiao at Mayweather ay kumubra ng nakakagulat na 4.6 million buys sa $100 kada panonood.

Maliban sa laban kay Mayweather, umabot din si Pacquiao sa milyong marka sa PPV laban kina Oscar De La Hoya, Shane Mosley, Juan Manuel Marquez at Antonio Margarito.

Ang 16,132 katao na nanonood sa Pacquiao-Vargas fight ay tinalo naman ang 14,618 katao na nanood sa rematch nina Pacquiao at Erik Morales noong 2006.

Read more...