Arjo Atayde bibida sa ‘OTJ The Series’; makakatambal si Maja

arjo atayde

NGAYONG araw ang announcement kung sinu-sino ang bibida sa OTJ The Series na mapapanood sa HOOQ online streaming service. Ang dalawa sa lead stars dito ay sina Arjo Atayde at Maja Salvador.

Ayon sa publicity director ng OTJ The Series na si Ed Uy ay marami pang artistang kasama pero ayaw muna niyang banggitin sa amin kung sinu-sino para sorpresa raw.

Anyway, nagdiwang ng 26th birthday si Arjo sa Basil Authentic Thai Restaurant noong Linggo ng gabi at bilang lang ang imbitado ng binata dahil gusto raw niya ay intimate dinner kasama ang buong cast ng FPJ’s Ang Probinsyano, personal na kaibigan at buong pamilya Atayde sa pangunguna siyempre ng lolo at lola niya, mga pinsan, magulang at mga kapatid.

Isinabay na rin ni Arjo ang pasasalamat cum blow-out sa pagkapanalo niya ng Best Supporting Actor sa nakaraang PMPC Star Awards for TV para sa Ang Probinsyano.

Wala si Coco Martin sa party dahil nasa Amerika pa ito dahil may show, pati ang Dreamscape Entertainment head na si Deo Endrinal ay hindi rin nakadalo dahil nasa Europe naman para sa selebrasyon ng kanyang kaarawan ngayong araw, Nob. 8.

Nang tanungin namin kung ano ang birthday wish ng aktor ay ang ganda-ganda ng ngiti niya sa amin.
‘Yun pala, may dine-date na siya ngayon at miyembro raw ng grupong Girltrends na napapanood sa It’s Showtime at ayaw pa nga sanang ipakilala sa amin dahil baka raw intrigahin namin, pero naging behave naman kami ng mga oras na iyon bossing Ervin. Ha-hahaha!

Kaso naamoy namin kaagad dahil sa isang table kung saan nakaupo ang ilang boys ng Ang Probinsyano sa pangunguna nina John Prats, Pepe Herrera, Marc Arcueza, Benj Manalo, Michael Roy Jornales, Archie Alemania at iba pa, ay may nag-iisang babaeng nakaupo roon katabi ni Arjo, kaya bingo.

Hindi na lang namin babanggitin ang pangalan ng girl para hindi na maudlot ang panliligaw ng aktor dahil sabi nga niya sa amin, “Kakakilala lang po, tita Reggee sa Star Magic ball, ipinakilala po siya sa akin ng handler ko.”

Sa madaling salita, siya ang special guest mo ngayong birthday mo? “No naman tita, she’s one of my guests, marami naman sila, of course my family and cast of Probinsyano. I just invited her,” katwiran ng aktor.

Hindi naman niya itinangging lumalabas na sila ng girl, “Yes tita, were dating po, about four times na, dinner-dinner po.”

Kaagad naming tinanong ang mommy niyang si Sylvia Sanchez kung alam nito ang tungkol sa bagong girl na dine-date ng anak.

“Nabanggit palang ni Arjo, hindi ko pa masyadong kilala kasi busy din ako sa The Greatest Love taping, tapos marami rin akong lakad pag walang taping, si Arjo laging may taping, bihira kaming magkita, so, hindi ko pa siya masyadong nakakausap.

“Wala naman akong tutol kung sino ang gusto ng mga anak ko, alam naman nila kung ano ang gusto ko, dapat marespeto sa lahat at siyempre maayos,” katwiran ng magaling na aktres.

Samantala, masaya si Arjo dahil halos lahat ng senior stars na imbitado sa party tulad nina Mr. Eddie Garcia, Jaime Fabregas, Albert Martinez, Agot Isidro, at iba pa ay saktong 7 p.m. dumating kumpara sa mga bagets stars.

Dumating din ang nag-iisang Queen of Philippine Movies na si Ms. Susan Roces na talagang nakipagkuwentuhan din sa mga bisita.

Ang mga artistang hindi kasama sa Ang Probinsyano na present sa birthday celebration ni Arjo ay sina Gretchen Barretto kasama si Tony Boy Cojuangco, Billy Crawford, Coleen Garcia, Desiree del Valle kasama ang fiancé na si Boom Labrusca, Bryan Santos at girlfriend nitong si Marian Flores, Olive Isidro (kapatid ni Agot) at iba pang hindi na namin natandaan ang pangalan.

Read more...