Sino nagpapatay kay Mayor?

PUNUNG-PUNO ng ispekulasyon ang pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa sa loob ng Baybay city jail. Magsisilbi ng search warrant ang CIDG-Region 8 madaling araw ng Sabado nang manlaban daw si mayor at kasama nito.
Hindi raw alam ng PNP region 8 command ang naturang warrant. At nagsasala-salabat ang mga teorya at tanong ng mga tao depende sa kanya-kanyang kulay.
Bakit nagsilbi search warrant sa isang nakakulong na? Bakit madaling araw? Bakit nagkaroon ng baril sa loob?
Sa ganang akin, “dead men tell no tales” ang nangyari rito. At sinong grupo ang mas may interes na mamatay ang alkalde?
Sa panig ng Duterte administration, mas gugustuhin nilang buhay si mayor Espinosa para makatayo ito bilang testigo sa hukuman. Isa pa, ang ibinulgar nito ay mga personalidad sa nakaraang administrasyon na karamihan ay mga hene-ral na pulis, piskal, abugado at pulitiko.
Nang mapatay ang abugado ni Kerwin na si Atty. Bato sa Tacloban, maliwanag na may taong nagbubura ng ebidensiya at di maikonek sa mga Espinosa. Malupit dahil pati menor de edad na sinasabing “girlfriend” daw nito ay pinatay rin.
Ilang araw bago ang insidente, nagpapalipat ang alkalde mula Baybay city jail pabalik sa Albuera police station kung saan pakiramdam niya ay doon siya mas ligtas; pero nakabimbin ito sa korte hanggang noong Sabado.
Ang PNP CIDG region 8 ang nagsilbi ng warrant sa kanya. Hindi ba’t naka-payroll kay Kerwin ang mga taga CIDG-8 sa Samar-Leyte at pinangalanan pa ni Mayor na mga police superintendents ang dawit?
Hindi kaya nakilala ni Mayor ang mga taga CIDG8 kaya siya pumalag at lumaban? O talagang sinalvage na siya sa loob ng kulungan?
Ang kaso, wala ngang CCTV nang magpapatunay sa kung ano nga ba talaga ang nangyari sa loob.
Kung susuriin, nakapwesto pa ang mga protektor ng drug syndicates sa loob ng PNP. Mga 5,000 hanggang 10,000 pa ang mga ninja cops kasama na ang kanilang mga supervisors matapos ituro ng mga sumukong drug lord at pushers.
Naalala ba ninyo ang isang drug lord at nasaksak ng icepick na si Jaybee Sebastian at isa pa sa loob ng building 14 sa Muntlinlupa? Ang suspect, isang dating pulis na konektado sa ninja cops, pero ang siste, hindi siniyasat ng House of Representatives?
Indikasyon na nag lie low lang at buhay pa rin ang sindikato ng droga at mga protektor sa PNP. Nakapwesto at may poder hanggang ngayon.
Sa kabilang banda, totoo rin na kilala na sila ngayon ng grupo nina Duterte at Bato, pero, hindi pa direktang sinisita ng pangulo. Sa ngayon, reward money na tig P5 milyon sa drug lord at P3 milyon sa ibaba at P2 milyon sa mga ninja cops ang inilatag pa lang ni Digong.
Hindi ako magtataka na sa susunod na mga araw, magtutumbahan na ang mga ‘drug protectors’ na heneral at pulis ng nakaraang administras-yon. Bastusan na ang pagpatay kay Mayor Espinosa sa loob ng jail, pagsaksak kay Jayvee Sebastian sa Building 14, at pagpatay sa abugado ni Kerwin.
Nararamdaman na natin ang tensyon sa loob ng PNP. Madugo ito at tayo’y parang nanonood ng telenobela tungkol sa droga.

Read more...