Sa isang panayam, sinabi ni Communications Secretary
Martin Andanar na wala namang ibinigay na ultimatum si Pangulong Rodrigo Duterte kina Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa at Justice Secretary Vitaliano Aguirre.
“Personally, ako I’m puzzled because alam natin na si Mayor Espinosa ay malaking tulong ito sa ating gobyerno sa pag-galugad at sa paghanap ng mga involved sa illegal drugs,” sabi ni Andanar.
Idinagdag ni Andanar na malaki ang maitutulong ni Espinosa para matukoy ang malalaking tao na sangkot sa iligal na droga.
“Kaya para sa akin ay malaking kawalan po sa gobyerno na namatay si Mayor Espinosa,” ayon pa kay Andanar.
Kasabay nito, sinabi ni Andanar na may mga suhestiyon na isusumite siya kay Duterte kaugnay ng pag-uwi ng anak ni Espinosa na si Kerwin Espinosa mula sa United Arab Emirates (UAE) sa harap ng pagpatay sa kanyang ama.
“We know that the safety of Kerwin will also be jeopardized if ever na hindi po na-handle nang husto ‘yung kanyang security,”aniya.
Si Kerwin ang itinuturing pinakamalaking drug lord sa Visayas.
Samantala, sinabi ni Andanar na nirerespeto ng Palasyo ang hakbang ni Sen. Panfilo Lacson na muling buksan ang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga extrajudicial killings matapos ang pagpatay kay Espinosa.
“We respect Senator Lacson’s
opinion. And we will also be guided by Senator Lacson’s wisdom. But then again, the Senate is an independent branch of government and antayin natin kung anong magiging hakbang ng Senado and the Palace will respect whatever the Senate or the Lower House, the Congress would decide on what to do,” sabi ni Andanar.
Tahasang sinabi ni Lacson na bahagi ng EJK ang pagpatay kay Espinosa.