KUNG bibili tayo ng AK-47 assault rifles sa Russia o China, kailangan din natin bumili ng mga bala para sa AK, na mahirap na nating kakayanin.
Kaya’t we have to stick to the M-4 rifle na ayaw ipagbili ng US government sa atin dahil sa isyu ng human rights sa ating bansa.(Talagang pakialamero ang mga Kano)
Kailangan na dumepende ang ating bansa sa sariling resources and talents—na marami tayo—sa ating paghahanap ng armas para sa ating security forces.
Nakalimutan na natin na kaya ng Pili-pinas na gumawa ng mga baril na kapantay ng– o mas mahigit pa sa tibay at galing ng mga gawa sa ibang bansa.
Halimbawa, ang paggawa mga baril na gawa sa Danao, Cebu, ay lumago kahit na ito’y iligal at palaging niri-raid ng pulis.
Kung gagawin ng administrasyong Duterte ang paggawa ng mga baril sa Danao, maraming mga eksperto na gunsmiths ang lalantad upang tulungan ang paggawa ng mga armas para sa ating kapulisan at kasundaluhan.
Sinasabi ng mga oldtimers na ang Elisco, isang local manufacturer, ay magaling gumawa ng M-16 “armalite” noon dekada ‘70 at ’80.
Mas magaling pa raw ang gawang Elisco kesa doon sa armalite ng US.
Nagsara ang Elisco dahil sa mismanagement.
Ang pangongopya sa isang produkto at pag-improve nito ay likas sa ating Pilipino.
Ang humalili sa Elisco ay ang United Defense Manufacturing Corp. (UDMC), Armscor, Shooters, Ferfranz at Twin Pines.
Ang mga nasabing kumpanya ay gumagawa ng high-quality pistols and rifles, pero hindi sila suportado ng gobiyerno.
Ilan sa mga kumpanyang ito—UDMC, Armscor at Metrillo—ay nage-export ng mga baril sa ibang bansa.
Ang lahat ng mga kumpanyang nabanggit, kung pinagsama-sama, ay puwedeng suplayan ang Philippine National Police (PNP) ng 27,000 pieces ng M-4 na pinagkait sa PNP ng America.
Ngayong alam na ni Digong na marami tayong magaling gumawa ng baril, puwede na niyang bigyan ng “dirty finger” ang America.
Dahil sa “colonial mentality” ng mga Pinoy, bumibili tayo ng mga produktong gawa sa US at ibang bansa na puwede nating gawin dito.
Ang colonial mentality ay isang uri ng pag-iisip na nagsasabi na mas magaling ang mga gawang “Stateside.”
Naalala ko tuloy noong pabalik na ako ng Pinas galing ng US, isang kababayan ang nakiusap sa akin na dalhin ang isang kahon na puno ng mga de latang pagkain meron sa bansa.
Nang sabihin ko sa kanya na lahat ng mga produkto na may brand gawa sa Pinas, sinabi niya na mas masarap ang gawang US.
Ang hindi niya alam, pare-pareho ang lasa ng isang produkto na magkaisa ang brand dahil pareho ang mga sangkap na ginamit.
Baka blessing in disguise ang pag-hold ng US ng shipment na 27,000 M-4 rifles sa bansa.
Sinabi ni Sen. Ralph Recto na dapat umasa na ang bansa sa sarili sa paggawa ng mga baril para sa ating kasundaluhan at kapulisan.
Magiging ugali na natin ang na umasa sa ating sarili.
Anong malay natin, balang araw ay gagawa na tayo ng sarili nating mga kotse at eroplano at e-export natin sa America.
Tandaan natin na ang malaking punong-kahoy ay nanggaling sa isang buto.