Angeline gusto nang pagbigyan ang wish ng lola: Magkaroon na ng baby

KZ TANDINGAN, KYLA, YENG CONSTANTINO AT ANGELINE QUINTO

KZ TANDINGAN, KYLA, YENG CONSTANTINO AT ANGELINE QUINTO

IPINAALALA namin kay Angeline Quinto nang makausap namin siya sa presscon ng “Divas Live In Manila” ang tungkol sa hiling ng kanyang Lola Bob na sana’y mabigyan na niya ito ng apo.

Naghahanap na raw kasi ng bata ang kanyang lola sa malaki nilang bahay, at mukhang botong-boto naman ito sa napapabalitang boyfriend ni Angge na si Erik Santos para maging tatay ng kanyang magiging anak.

“Actually, nakaka-pressure ‘yun, kasi minsan dumarating din ang time na napapaisip ako. Nu’ng nasa US ako, nagkaroon ako ng time na pag-isipan lahat ‘yun.

“Sabi ko lang sa sarili ko na, ‘Ayaw kong mangyari ‘yung namatay si papa ko na hindi man lang ako nakitang nagkaroon ng sariling family ko.

“Ayoko ring mangyari kay Mama Bob ‘yun, so ‘yun na lang ang pinagdarasal ko na sana kapag nahanap ko na ‘yung tamang lalaki para sa akin, sana nandiyan pa siya,” kuwento ng dalaga.

At dahil mahigit isang buwang kasama ni Angeline si Erik sa ibang bansa, hindi ba nila pinag-usapan ang tungkol sa naudlot nilang relasyon? Very open naman ang binatang singer na gusto na niyang magpakasal at magkaanak, pero si Angeline ang hindi pa handang magkaroon ng sariling pamilya?

“Actually, napag-usapan po namin kung kailan at sabi ko sa kanya, ‘Pogs (tawag niya kay Erik) alam ko naiintindihan mo naman ako, minsan lang kasing dumating ito (career), ayoko namang mawala.

Siyempre gusto ko ring magkaroon ng sariling family,” pag-amin ng dalaga.

Kung hindi pa handang mag-asawa si Angeline, bakit hindi na lang unahin muna ang baby?

“Kung sakaling mauna, o magbuntis ako, paano naman ang mga trabaho ko? Isipin mo, ilang months akong kailangang mawala? At naiintindihan naman ni Erik ‘yun,” depensa pa ng dalaga.

Handa raw bang maghintay si Erik kung kailan siya magiging ready? “Ay ewan ko sa kanya. Ayoko naman siyang tanungin. Pero sabi ni Erik sana raw pag nagkaroon siya ng baby, sana raw ‘yung nanay magaling din kumanta,” seryosong sabi ng dalaga.

Susme, e di, si Angeline nga ang gusto ni Erik at mukhang willing naman siyang maghintay dahil hanggang ngayon ay wala pa itong girlfriend. Kaya naniniwala kami na talagang mahal na mahal niya si Angeline.

Sabay hirit sa amin ng dalaga ng, “Siyempre gusto ko rin po ang magiging tatay ng anak ko, singer din at maputi.”

Kaloka itong sina Erik at Angeline, naghihintayan lang pala. Sabi pa namin na dapat kapag 30 years old na ang dalaga ay magpakasal na siya para hindi siya mahirapang mabuntis at manganak.

At sa “Divas Live In Manila” concert sa Nov. 11 sa Araneta Coliseum ay manonood daw talaga si Erik kapag wala itong commitment, at bibili pa raw ito ng tickets para makatulong sa dalaga at sa mga kasamahan nito sa show.

Sa madaling salita, si Erik ang special guest ni Angeline sa gabi ng show since siya lang ang walang lovelife sa tatlong kasamahan niyang divas sa concert. May asawa na sina Kyla at Yeng Constantino habang happy naman si KZ Tandingan sa kanyang boyfriend.

“Siyempre, mas mai-inspire akong mag-perform kapag nandiyan siya (Erik). Supportive naman talaga siya kahit noon pa,” sabi ng dalaga.

Sabay hirit pa ng, “Di ba ate Reggs, parang nakaka-ano, happy naman ako, kasi sa aming apat (divas), ako lang ‘yung walang opisyal na karelasyon. Actually ang paborito naming kanta ni Erik ‘yung ‘Forever’”.

Ang “Divas Live In Manila” ay mapapanood na sa Nov. 11 sa Araneta Coliseum produced by Cornerstone Concerts and Star Events with musical director Ria Villena Osorio at sa stage direction ni Paul Basinillo with special guests K Brosas, Jaya and Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid.

Read more...