Pinagmamalasakitan, hindi pinagsasamantalahan
HALOS pare-pareho ng reaksyon ang mga OFW sa mga bansang nadalaw na ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Joyce, isa sa mga sumalubong sa pangulo nang dumalaw ito sa Japan, hindi niya nakita ang init ng pagsalubong na ginawa ng mga Pilipino doon kung ikukumpara sa mga pagdalaw ng mga nakaraang pangulo.
Nakakatindig-balahibo raw nang dumating si Duterte at habang sila ay naghihiyawan ng “Tatay, Tatay”. Pakiwari nila ay tunay nilang ama ang pangulo dahil sa tiwala at pag-asa na nadama nila para rito.
Kahit nasa abroad, sinusundan nila ang galawa ni Duterte; inaalam ang bawat polisiya at programa nito, kahit meron ilang bagay na di sila masyadong pinapaboran. Pero sa kabuuan, tiwala pa rin sila sa kanilang tatay Digong.
Siyempre kapag OFW ang pinag-uusapan, nakatuon sila sa mga programang may kinalaman sa kanila at kanilang kamag-anak.
Aminado tayo na dahil sa ating mga OFW at kanilang dollar remittances, patuloy nitong pinalalakas ang ekonomiya ng bansa.
Sa ilalim ng Duterte administration, higit pa sa partner sa pagpapatatag ng kabuhayan ng bansa ang tingin nito sa bawat OFW.
Kung “Tatay” ang turing nila kay Pangulong Digong, tunay namang kapamilya ang trato sa kanila ng pangulo.
Tratong pinagmamalasakitan at hindi pinagsasamantalahan ang ibinibigay naman ni Digong gaya na lang nang personal niyang sinalubong sa airport ang mga dumating na stranded OFWs galing Saudi Arabia.
Mabilis ding naitayo ang mga one stop shop para sa mas mabilis na pagpoproseso ng kanilang mga dokumento, ang matapang nitong babala laban sa mga sindikato at tiwaling empleyado ng airport na nambibiktima ng mga OFW.
Nawala na rin ang laglag-bala sa airport na kadalasan ay mga OFW ang nabibiktima.
Hindi ba ganyang- ganyan talaga ang isang tunay na magulang? Punom-puno ng mga tagubilin. Gagawin ang lahat maproteksyunan lamang nila ang kanilang mga anak. Iyan ‘anya si tatay Digong para sa ating mga OFW.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
