LUMABAS ang mga kuwentong kababalaghan sa mga peryodiko sa paggunita ng Araw ng mga Patay noong Martes, Nov. 1.
Sari-saring mga kuwento na ang ilan ay nakakapanindig-balahibo at ang iba naman ay hindi kapani-paniwala.
Pero may ilalahad ako sa inyo na kuwento ng kababalaghan na totoong nangyari dahil ako at ang aking staff sa “Isumbong mo kay Tulfo” ang nakasaksi, sampu ng hindi mabilang na iba pa.
Ang “Isumbong” noon ay may TV component na nasa RPN 9, bukod sa programa sa radyo na nasa DWIZ (882 khz AM sa band).
(Nawala na ang RPN 9 at napalitan na ng CNN Philippines ngayon)
Kung hindi ako nagkakamali, ilang araw bago ang All Saints’ Day, taong 2004, nang inatasan ko ang isa sa aking cameraman na si Richard Taraiso na kumuha ng establishing shots sa sementeryo upang gamitin sa aking TV show.
Oct. 30, 2004 ay Sabado, ang araw na lumalabas ang Isumbong sa RPN 9.
Dahil dalawang araw na lang bago ang All Saints’ Day, which fell on a Saturday, gumawa ang Isumbong ng Halloween Special.
Yun ang dahilan kung bakit pinakunan ko si Richard ng video shots ng sementeryo.
Ang pinuntahan ni Richard ay ang Manila South Cemetery sa Makati upang kumuha ng mga shots ng puntod.
Habang ginagala niya ang kanyang camera, napansin ni Richard ang mga batang naghahabulan sa mga pagitan ng puntod.
Pero teka, tahimik ang sementeryo noon dahil hindi pa naman Nov. 1, ang sumapit sa isip ni Richard.
At saka, bakit hugis bata ang mga naglalaro pero tagus-tagusan ang kanilang mga pigura?
Kung ikaw ay nakabasa ng komiks na “Casper, the friendly ghost,” ganoon ang anyo ng mga naglalaro.
Napatakbo si Richard nang malaman niya na hindi mga buhay na bata ang kanyang kinukunan kundi mga multo ng bata!
(Napagalitan ko pa ang pobreng si Richard dahil hindi niya sinundan yung mga batang multo sa kanilang paglalaro. Sinabi niya na bigla siyang natakot at sino nga naman ang hindi kung nasa kalagayan siya ni Richard)
Anyway, pinalabas namin ang footage noong mga batang multo sa Manila South Cemetery sa Halloween Special ng Isumbong.
Di mabilang ang taong nagkomento sa kanilang napanood. Pinalabas namin ang video as is, walang pinutol, walang dinagdag.
Hiniram ng GMA 7 at ABS-CBN ang video at pinalabas sa kani-kanilang istasyon.
Sari-saring komentaryo ang naibigay tungkol sa video.
Isa sa mga nagbigay ng komentaryo ay si Jimmy Licauco, isang expert sa paranormal phenomenon o kababalaghan.
Ang sabi ni Licauco, hindi matanggap ng mga bata na sila’y pumanaw na sa mundo kaya’t earthbound pa rin sila.
Pero sa darating na mga araw o taon na sila’y babalik na rin kung saan tayo lahat nanggaling, ani Licauco.
May isa pa akong ilalahad sa inyo tungkol sa kababalaghan.
Meron akong naging restaurant sa Luneta ilang taon na ang nakararaan. Nagsara na ito ngayon.
Isang puno ng sampalok ang nasa gitna ng restaurant na ito.
Tuwing gabi ay nakakarinig ang aking mga empleyado—waiters, kahera at cooks—ng babaeng humihikbi na hindi naman nakikita.
Ang hikbi ng isang babae ay nanggagaling sa puno ng sampalok.
Siyempre, nababalutan ng takot ang aking mga empleyado tuwing naririnig nila ang hikbi ng isang babae na hindi naman nila nakikita.
Nakarating ito sa aking kaalaman.
Kinausap ko ang isang babaeng psychic kung puwede kong makausap ang multo upang hindi ako mawalan ng mga empleyado na gusto nang mag-resign dahil sa takot.
Ginawa namin ang ritual—kontodo kandila at dasal pa—sa gabi.
Biglang naghikbi ang psychic habang may inaabot siyang na kung ano sa puno ng sampalok.
Nagitla ako sa senaryong yun. Siyempre, tumindig ang aking mga balahibo pero pinigil kong matalo ng pagkatakot.
Ang psychic ay sinapian na ng multo ng isang babaeng humihikbi.
“Neneng,” ang bungad kong sinabi sa multo, “umuwi ka na sa lugar kung saan tayo lahat nanggaling.”
“You don’t belong to this world anymore,” dagdag ko pa sa English dahil hindi ko na masabi sa Tagalog ang nasa loob ko.
Kapag ako’y emosyonal, mas naihahayag ko ang nasa loobin ko sa Bisaya o Ingles. Sagot ng multo, “Ayaw ko, ayaw ko!”
“Kung ganoon, nakikiusap ako sa iyo na umalis ka na sa lugar na ito dahil natatakot ang mga tao rito.
Mula noon ay hindi na narinig ang hikbi ng babae sa puno ng sampalok.