ANG swerte-swerte naman namin na mga may sasakyan na namimili sa SM San Mateo.
Biruin n’yo priority ang aming mga sasakyan sa paglabas at pagpasok sa mall.
Kahit na nakapila ang mga sasakyan sa General Luna st., sa labas ng SM, pahihintuin ‘yun ng mga nagmamando ng trapiko para kami ay makapasok o makalabas agad. Priority kaming mga kostumer.
Swerte di ba? Kami ang priority.
Pasensya na lang ang ibang motorista na no-choice kundi huminto dahil inihaharang ng nagmamando ng trapiko ang kanilang mga sarili sa kalsada para masiguro na hindi makalulusot ang mga ito.
Kung hindi ako nagkakamali, ang SM ang nagbabayad sa mga ito.
Aminado na maraming pasaway na driver na siyang sanhi ng pagbigat ng daloy ng trapiko at normal na pangitain na yan sa Gen. Luna st.
Ang Gen. Luna st., ang main road ng San Mateo, Rizal ay nag-uugnay dito sa Marikina at Rodriguez, ang pangalang ipinalit sa lugar na kilala bilang Montalban, (hanggang ngayon Montalban ang signboard ng mga jeep).
Dito bumabagtas ang mga patok na pampasaherong jeepney na bumabangking kahit na hindi kailangan. (Ngayong ang tawag ng mga kabataan sa banking ay palo as in pumapalo ang puwet ng jeep).
Bukod sa pagpalo, mahilig din sa singit ang mga jeepney na ito na parang sila lang ang may karapatan na hindi ma-late. Singitan sila nang singitan lalo na sa bahagi ng Guitnang Bayan bago dumating ng
Pamantasan ng San Mateo habang ang ibang motorista ay nakapila.
At kung mamalasin ka, ang sumingit na jeep ay hindi na tatabi at biglang hihinto para magsakay.
Madaragdagan pa ang pagkayamot mo kapag mayroong lumusot na tricycle na sisiksik sa unahan mo kasi sasabit siya sa kasalubong na sasakyan.
Ang masakit hindi naman sila hinuhuli ng mga traffic enforcer. Pinapabayaan lang.
Hindi tuloy maalis sa isip ng ibang motorista na baka nakakatikim sila ng grasya mula sa mga driver o asosasyon ng mga ito. Nasa isip lang naman nila ito dahil wala silang ebidensya.
Mayroon pedestrian lane sa kalsada para tawiran pero kung saan-saan pa rin naglulusutan ang mga tumatawid. May inilagay na ngang tali sa lugar para sa malayo-layo sa intersection sumakay ang mga mananakay pero wala pa rin. Sa kalsada naglalakad ang mga pasahero.
At may pagkakataon pa na parang kinukunsinti ng mga traffic enforcer ang mga hindi tumatawid sa ginastusang pedestrian lane dahil pinahihinto nila ang mga sasakyan para sila makatawid. Parang ang dapat nilang gawin ay ituro kung saan ang tamang tawiran.
Minsan naman ay may feeling ang mga motorista na hindi patas ang pagtingin ng mga traffic enforcer sa mga motorista.
Parang meron silang binibigyan ng special treatment gaya ng mga trak na pinauuna nila.
Sa dami ng dumaraan sa Gen. Luna st. ay talagang magtatrapik. At kahit na nag-road widening ay matrapik pa rin dahil hindi naman tumatabi ang mga jeep na nagbababa at nagsasakay.
Iniisip tuloy ng ilan na kung posible na maglagay ng kalsada sa gilid ng Marikina River.
Maaaring ang mga sasakyan na patungong Quezon City via Batasan-San Mateo Rd., ay dito na lang dumaan. Mababawasan ang dumaraan sa Gen. Luna st., at luluwag ito kahit na paano.