PH, China: Kwento ng magkapitbahay na mahirap at mayaman | Bandera

PH, China: Kwento ng magkapitbahay na mahirap at mayaman

Arlyn Dela Cruz |November 01,2016
facebook
share this

PH, China: Kwento ng magkapitbahay na mahirap at mayaman

Arlyn Dela Cruz - November 01, 2016 - 12:10 AM

PAANO nga ba tayo dapat makitungo sa ating kapitbahay? Paano nga ba ang tamang pakikitungo sa ating kaibigan, kasama o kaalyado?

Tingnan muna natin sa punto de bista sa sarili nating kinatatayuan. Ang mga tanong ko ay nakabatay sa ating perspektiba. Sa karaniwang relasyon, bahagi ng pakikipagkapwa-tao, inaasahan na ikaw ay may maayos na relasyon sa kapitbahay mo. Kung di talagang “close”, inaasahan naman na hindi mo ito kaaway.

Ang bigat kaya sa kalooban kung kaaway o kaalitan mo ang iyong kapitbahay. Kung inaaway ka naman ng kapitbahay mo, hindi ito mangyayari kung di siya papatulan.

Pero, ang tanong ay kung paano nga ba dapat makitungo, ano ang tamang pakikitungo sa kaibigan?

Sa totoong buhay, nakikipagkaibigan ka na walang inaasahang kapalit. Goodwill do not expect reciprocation. Ginagawa mo iyon dahil natural sa iyo ‘yun. Kung ibalik ang kagandahang-loob, bonus iyon sa pakikipagkaibigan. Ngunit ano nga ba ang tama?

Dito papasok yung tiwala at pagmamahalan. Tatawagin mo bang kaibigan kung hindi mo mahal? At kung mahal mo ang iyong kapitbahay o kaibigan, ikagagaan din ng loob mo na makitang maalwa o maginhawa, masaya ang buhay. Minsan, ikaw mismo ang gagawa ng paraan para makita siyang masaya.

Ang mga Pilipino ay kilala sa isang kaugalian at bagaman marami na ang nagbago sa ating mga nakasanayan ay nakagawiang kultura at tradisyon, may bakas pa rin ng bayanihan sa ating hanay sa modernong panahon. Hindi ba’t pag may sunog, ang mga magkakapitbahay ang unang nagtutulungan?

May mga uri ng pagkakaibigan: ang isa ay marangya at makapagyarihan habang ang isa naman ay mahirap at walang lakas.

Sa ideal na sitwasyon, ang marangya at makapangyarihan ay gagawa ng paraan para matulungan ang kaibigang dukha; hindi para umasa sa kanya kundi para makatayo sa sariling mga paa. Sa sandaling mangyari ito, siya na tumulong ang unang matutuwa.

Sa kuwentong alam natin ngayon, ang isang makapangyarihan at malakas na kapitbahay ang nakaalala na may kapitbahay siya na hamak at walang sapat na kakayahan.

Naging mayabang siya at lalong ipinamalas ang kanyang kakayanan sa maliit at walang lakas na kapitbahay. Sa yabang nito ay halos sakupin na nga niya ang ari-arian ng kapitbahay na dukha na nga ang kalagayan.

Inabuso niya ang kaliitan at kahinaan ng kapitbahay. Palalo!

Pinaalalahanan siya ng ibang mga nagmasid na kapitbahay, sa malayo at sa malapit na. Sinabihan kung bakit ganito na lang niya tratuhin ang abang kapitbahay.

May namagitan pa nga, pero di niya ito kinilala. Palalo nga!

Ngunit kumilos ang maliit at walang kakayanan na kapitbahay. Kinilala niya ang kalakasan at kapangyarihan ng mas malaking kapitbahay. Kinilala pero hindi sumusuko. Nakipag-kamay, nakipag-usap, personal na kumatok. Siya na ang inagrabyado, pero nagpakumbaba at unang nag-abot ng kamay ng pakikipagkasundo.

Maglalaban ba tayo? Matatalo mo naman kami. Anong saysay ng tagumpay kung alam ng lahat na ang panalo ay laban sa isang kapitbahay na walang ilalaban sa iyo o walang kakayanang lumaban sa iyo?

Nahiya ang malaki at makapangyarihang kapitbahay at naisip na may matagal na silang pinagsamahan ng maliit na kapitbahay. Naisip din na halos magkakaugnay ang maraming bagay tungkol sa kanila.

Naalala ng kapitbahay na palalo na ang hinahamak niya at sinasamantala ay kanya nga palang kaibigan.

May nagtanong. Ano raw ba talaga ang nangyari at nagpunta lang ang maliit na kapitbahay sa lugar ng higanteng kapitbahay ay tila umayos na ang dating pinag-aalitan? Sumuko raw ba? Nagpasakop na raw ba?

Hindi naging handa ang higanteng kapitbahay sa ginawang pakikitungo ng maliit niyang kapitbahay. Nagapi si Goliath ni David na hindi nagkaroon ng dahas. Isang panibagong yugto sa kanilang kasaysayan bilang magkapitbahay at magkaibigan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Kuwento ito ng dalawang magkapitbahay.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending