KUNG tatanungin si Freddie Roach ay tamang-tama na ang kondisyon ni Manny Pacquiao at ayaw niyang pagurin pa ang kanyang premyadong hinahawakang boksingero sa pag-eensayo sa kanyang gym.
“One hundred percent (ready),” sabi ni Roach sa mga Pinoy sportswriters kahapon matapos panoorin si Pacquiao sa kanyang sparring at mitts training sa Wild Card Gym sa Hollywood, California, USA.
“I’m very happy with where he is right now,” sabi pa ni Roach. “I tried to cancel Monday’s workout, but he said he needed it to keep his sharpness.”
Pinagbigyan naman ni Roach ang kagustuhan ni Pacquiao na mag-spar ng tatlong rounds at mag-mitts ng tatlong rounds sa hapon bago tumulak ang Team Pacquiao patungo sa Las Vegas, Nevada, USA.
“And that’s it. We’re done,” ani Roach, na ayaw na masobrahan sa kanyang ensayo si Pacquiao para sa laban niya sa Nobyembre 6 kontra Jessie Vargas para sa World Boxing Organization welterweight crown sa Thomas & Mack Center sa Las Vegas.
“We gonna be careful about doing too much and probably getting burned out,” dagdag pa ni Roach, na sinabi pa na hindi na kailangan ni Pacquiao ang sobrang sparring sa kasalukuyang estado ng kanyang boxing career.
At katulad noong isang araw, muling dinomina ni Pacquiao ang dating world title contender na si Ray Beltran sa loob ng anim na round.
“He’s having a lot of fun. Foot speed, hand speed, he put it all together,” sabi ni Roach.
Kung bibilangin pa ang tatlong round sa Lunes ng hapon, sinabi ni Roach na aabot lang sila ng 90, na pinakakonti para kay Pacquiao, para sa kanyang training camp na nag-umpisa sa Maynila.