Binisita muli ng Hollywood superstar na si Sylvester Stallone si Pambansang Kamao Manny Pacquiao habang nagte-training ito sa Wild Card Gym sa Los Angeles, USA.
Nakatakdang makipagbakbakan si Pacquiao kay Jessie Vargas sa Nov. 5 sa Thomas & Mack Center in Las Vegas.
As usual, impressed na impressed si Sylvester sa napanood niyang training ni Pacman kung saan nakipag-sparring nga ito kay Rey Beltran sa loob ng anim na round.
Sa panayam ng ABS-CBN, sinabi ni Stallone na, “The best fighter in the last 60 or 70 years. Period. For real.”
Dugtong pa ni Stallone, “Even better than Rocky Balboa.” Ang tinutukoy niya ay ang karakter na kanyang ginampanan at pinasikat sa blockbuster movie na “Rocky” noong 1970s na nagkaroon ng bagong version noong 2015.
Nakipag-selfie pa ang Hollywood action star kay Pacman pagkatapos makipagkamay. Isa lang si Stallone sa mga kilalang Hollywood stars sa mga big fan ni Pacman na naglalaan talaga ng oras para mabisita at makachika si Sen. Manny Pacquiao sa Wild Card Gym.