MAMIMILI ngayon ang mga PBA teams ng mga baguhang manlalaro na sa tingin nila ay makakatulong sa pagpapalakas ng kani-kanilang koponan.
Ito ay mababatid sa isasagawang 2016 PBA Rookie Draft na gaganapin ngayong alas-4 ng hapon sa Robinsons Place Manila.
Mauunang pipili sa Rookie Draft ang Blackwater Elite at susundan ito ng Star Hotshots, Phoenix Fuel Masters, Mahindra Enforcer, Globalport Batang Pier, NLEX Road Warriors, Meralco Bolts, TNT KaTropa, Rain or Shine Elasto Painters, Barangay Ginebra Kings, Alaska Aces at San Miguel Beermen, ayon sa pagkakasunod kung saan pinagbasehan ang naging overall performance ng mga koponan sa nakalipas na 41st season ng pro league.
Umabot sa 55 ang aplikante sa 2016 PBA Rookie Draft kung saan 53 sa mga ito ang nakapasa sa isinagawang dalawang araw na Draft Combine.
Nagkaroon naman ng special draft para sa mga miyembro ng Gilas Pilipinas cadet pool na hiwalay sa isasagawang regular draft.
Inaasahan naman na pipiliin ng Blackwater si Raphael Banal bilang No. 1 pick sa regular draft matapos na piliin ang dating Far Eastern University star forward na si Mark Belo bilang top pick mula sa special draft.
Maliban kina Belo at Banal, ang ilan sa mga makukuha sa Draft ay sina Jio Jalalon, Matthew Wright, Rashawn McCarthy, Ed Daquioag, Chris Javier, Carl Cruz at Jonathan Grey.