HANGGANG ngayon ay marami pa rin ang hindi maka-get over sa pangyayaring ipinamigay ng Star Hotshots si James Yap sa Rain or Shine kapalit si Paul Lee.
Marami ang nasaktan at hanggang ngayon ay nalilito.
Kanino na sila kakampi sa pagbubukas ng 42nd season ng Philippine Basketball Association sa isang buwan?
Kasi nga ay parang iisa ang Star at si James Yap, e. Matagal na silang nagsama. At hindi inaasahang magkakaiba ng landas.
Kung iniwan ni James si Kris Aquino, parang hindi mangyayaring mawawala si James sa poder ng Star!
Pero naghiwalay nga sina James at Kris so bakit hindi si James at ang Star?
Sabi ng isa kong kaibigang babae na nalilito pa rin: “Ang sakit!”
Kaya siya nasasaktan ay dahil sa hindi niya malaman kung kanino na siya kakampi sa susunod na season? Yapster daw kasi siya.
So kung true-blue James Yap fan siya, dapat ay susundan niya ang kanyang idolo saan man ito mapunta.
Hindi naman mahirap gawin iyon. Kasi noong nakalipas na season ay nagkampeon ang Rain or Shine samantalang nangulelat ang Star. Kung ito ang gagawing pamantayan, aba’y madaling lumipat ng koponan. Kasi, may katotohanan ang kasabihang “Everybody loves a winner!”
Kaso, kung matagal ka nang fan ng Star o Purefoods, ibig sabihin ay hindi lang si James Yap ang sinusubaybayan mo.
Tumitili ka rin kapag nakakakuha ng matinding rebound si Marc Pingris o nakaka-shoot si Peter June Simon o maganda ang pasa ni Mark Barroca.
Paano mo ngayon iiwanan ang mga dating kinahuhumalingan?
Mahirap talaga kapag superstar ang naipamigay e. Okay lang sana kung role player o bangko o marginal player lang ang nakasama sa isang trade. Hindi marami ang fans niya. Hindi mahirap mag-isip kung aalis na sa isang team ang isang fan o hindi.
Pero superstar si Yap so pag-iisipan nang husto ang anumang hakbang na gagawin.
Sigurado rin namang naguguluhan pa hanggang ngayon si Yap. Kasi siya mismo ay hindi handa sa trade na nangyari. Baka nga iniisip niya na sa Star/Purefoods na siya magreretiro pero hindi iyon ang nangyari.
Nagkaroon pa ng homecoming sa Rain or Shine.
Iyon lang ang maganda dahil sa kilala na niya ang may-ari ng koponang kaaaniban niya simula ngayon. Hindi na bago sa kanya sina Terry Que at Raymond Yu. Naglaro kasi siya sa Welcoat Paints noong nasa Philippine Basketball League siya.
I’m sure na maraming fans ng Rain or Shine ang sumaya sa paglipat ni Yap sa kanilang koponan. Tatanggapin nila nang buong puso ang superstar na ito dahil kapamilya nila ito noon pa.
Siguradong dadami ang mga fans ni Yap sa nangyaring trade.
Hindi ko lang alam kung dadami o mababawasan ng fans ang Star.