PINANINDIGAN na ng isang kilalang male personality ang hindi man lang pagbibigay ng sustento sa kanyang anak sa isang female celebrity.
Buong-akala nu’n ng marami ay magbabagong-buhay na ang aktor dahil todo ang suporta sa kanya ng babae pero wala ring nangyari at sa wala rin nauwi ang kanilang relasyon.
Hiwalay na sila, matagal-tagal na rin, hindi na kasi kinaya ng girl ang kawalan ng pakialam at pangarap ng kilalang aktor sa kanyang kinabukasan.
Sabi ng isang source na may malalim na alam tungkol sa kuwento, “Sino naman kasi ang makakatiis makisama sa isang taong parang wala namang pangarap?
“Balewala lang sa kanya ang lahat, parang kuntento na siya sa buhay niya na ang babae ang nagdadala ng relasyon nila! Ni hindi siya kumikilos, puro asa lang ang ginagawa niya, sino naman ang babaeng makatitiis na kasama ang ganu’ng lalaki?
“Bata pa siya, ang lakas-lakas pa niya, pero puro sarap lang ng buhay ang alam niya. Wala na nga siyang naitutulong sa mag-ina niya, e, puro pabigat pa ang alam niya sa buhay!
“Ano ‘yun? O, loko! Di isang araw, e, shock boogie siyang bigla, dahil umayaw na ang girl sa kanya, nakipaghiwalay na!” kuwento ng aming impormante.
Dating miyembro ng isang grupo ng mga guwapo at machong aktor ang lalaki, magaling naman siyang kumanta at umarte, pero talagang may katamaran lang siya.
“Pag katamaran na ang pinag-uusapan, e, nangunguna sa listahan ang lalaking ‘yun, mabigat ang katawan niya. Kain, tulog at gala lang ang paborito niyang dibersiyon.
“Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, hindi kagandahan ang tunog ng palayaw niya, may sexual connotation ‘yun!” pagtatapos ng aming source.