Turner binuhat ang Pacers sa overtime panalo kontra Mavericks

INDIANAPOLIS — Gumawa ng 30 puntos at 16 rebounds si Myles Turner para pangunahan ang Indiana Pacers sa 130-121 panalo kontra Dallas Mavericks sa overtime Huwebes sa NBA.

Tumira rin si Turner ng tres may 1:18 na lang ang natitira sa overtime para umpisahan ang 8-0 run ng Pacers.

Nagdagdag naman ng 25 puntos ang three-time All-Star na si  Paul George kabilang ang isa pang tres may 55 segundo na lang sa orasan.

Ang Dallas ay pinamunuan ni Deron Williams na umiskor ng 25 puntos. Sina J.J. Barea at Dirk Nowitzki ay kapwa may  22 puntos para sa Mavs.

May tsansa si Turner na ipanalo ang laro sa regulation pero pumalya ang kanyang  buzzer-beating triple kaya umabot sa overtime ang laro.

Thunder 103, 76ers 97
Sa Philadelphia, kumulekta ng 32 puntos at 12 rebounds si Russell Westbrook para tulungan ang Oklahoma City Thunder sa panalo kontra sa palabang Philadelphia 76ers.

Ito ang unang laro ng Thunder mula umalis sa kanila ang dating Most Valuable Player ng liga na si Kevin Durant at  lumipat sa Golden State Warriors.

Umiskor naman ng 20 puntos ang No. 3 overall pick ng 2014 Rookie Draft na si Joel Embiid sa 22 minutong paglalaro. Hindi nakapaglaro para sa Sixers si Embiid sa nakalipas na dalawang season dahil sa injury sa paa.

Nuggets 107, Pelicans 102
Sa New Orleans, si Jusuf Nurkic ay gumawa ng 23 puntos at si Will Barton ay may 22 puntos para sa Denver Nuggets na nakalusot sa isang dominanteng performance mula kay New Orleans Pelicans All-Star Anthony Davis.

Si Davis ay may 50 puntos, 16 rebounds, pitong steals, limang assists at apat na blocks sa laro pero hindi pa rin ito sapat para makuha ang panalo.

Si Tim Frazier ay umiskor ng 15 puntos para sa Pelicans at si E’Twaun Moore ay nagdagdag ng 10 puntos ngunit pumalya mula sa three-point area na tatabla sana sa iskor may 24 segundo na lang ang nalalabi.

Lakers 120, Rockets 114
Sa Los Angeles, ikinalat ni Jordan Clarkson sa fourth quarter  ang  12 sa kanyang team high 25 points para ibigay kay Los Angeles Lakers coach Luke Walton ang panalo sa kanyang debut.

Read more...