Alam na namin yan!!!

SA katatapos na pagdinig ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa hinihinging Emergency Powers ni Pangulong Duterte para maisaayos ang patuloy na lumalalang sitwasyon ng trapiko sa mga metropolis sa bansa, mukhang nagbobolahan lang silang lahat na nagsidalo at nag-imbistiga roon.

Bakit ko nasabi ito? Dahil ang mga findings na isiniwalat ng Kongreso sa kanilang ipinalabas na Press Release noong nakaraang Sabado ay tadtad ng mga detalyeng bawat Pilipinong naiipit sa trapiko ay me-moryado na sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa.

Ano ba ang mga ito?

Ayon sa findings ng Komite na nag-imbestiga, kailangan daw ang isang “harmonized traffic laws and regulations” sa mga siyudad na tulad ng Metro Manila, Metro Davao at Metro Cebu. Tanging sa mga lugar na ka-tulad ng mga ito ang malala ang problema ng trapiko.

“Inter-agency cooperation is a must, driver competence and vehicle roadworthiness are vital, mass transport system should be improved all over the country and not just where the crisis exists and immediate solutions may be implemented at once even in the absence of a Traffic Crisis Act or any emergency powers.”

Susmaryosep!

E, kung nakikinig ho kayo sa radyo araw-araw, at nakikipaghuntahan sa mga driver ninyo, malamang sa hindi, wala nang naganap na “congressional hearing” dahil makukuha na ninyo ang sagot noon pa!

Kailangan pa ninyo ng televised na pagdinig, magsigawan at mag-away, magpormahan at magsindakan, para malaman ang mga bagay na bawat Pilipino ay memoryado na? Mukhang may problema tayo sa trabaho ninyo mga giliw kong Congressmen.

Nais ko sanang imbitahan itong mga kagalang-galang nating congressman samahan ako sa aking pagmamaneho araw-araw sa mga lansangan ng Kamaynilaan, hindi lang sa EDSA kundi pati sa mga singit-singit na lansangan para magkaroon sila ng totoong edukasyon kung ano ang problema sa trapiko.

Dahil kung hindi kayo nagmamaneho araw-araw, kung hindi kayo sumasakay ng bus, jeep, MRT o LRT araw-araw, pinapangako ko sa inyo, kahit sanlibong taon kayo mag-hearing sa airconditioned ninyong session hall dyan sa Kongreso, wala ka-yong mabubuong tunay na solusyon sa trapiko, WALA PO!!!

Kasama sa findings ng hearing na ito ang isang detalye na ikinagulat natin dahil ang buong akala natin ay maayos ang naging pagpapatupad nito. Ang tinutukoy ko ay ang Executive Order 186 na bumuo ng programang Comprehensive Automotive Resurgence Strategy Program o CARS.

Ayon kay Rep. Carlos Isagani Zarate ng Bayan Muna Partylist, nakipagkasundo ang administrasyon ni Benigno Aquino III sa dalawang car companies, ang Toyota at Mitsubishi, na sila lamang ay tatanggap ng aabot sa P27 bilyon na insentibo para gumawa ng 200,000 cars para sa publiko.

Ang P27 bilyon ay maaaring napaayos na ang problema ng MRT at LRT, naisakatuparan na ang Bus Rapid Transit System o kaya ay nakagawa nang ilang tulay na tatawid ng Pasig River. Pero mas pinili pa ng nakaraang administrasyon na ayudahan ang pribadong sasakyan imbes na ang mass transport system. Bakit kaya?

Auto Trivia: Ang Aston Martin ang paboritong kotse ni James Bond. Ito ay isang luxury sports car na gawa ng mga Briton at sinimulan noong 1913 nina Lionel Martin at Robert Banford. Isang classic Aston Martin ang naibenta sa halagang $14.3 milyon noong December 15, 2015 sa New York City. Ito ay ang DB4GT Zagato.

May reaction o comment sumulat lang po sa irie.panganiban@gmail.com o kaya ay mag-text sa 09163025071 o sa 09999858606.

Read more...