MATAGAL nang seafarer ang asawa ni Minda. May dalawa silang mga anak. Mabuti itong asawa at ama ng kaniyang mga anak.
Career woman si Minda. Mataas ang posisyon niya sa isang pribadong kumpanya. Abala si mister sa kanyang pag-aabroad habang abala rin naman si Minda sa kanyang trabaho at pag-aalaga sa kanilang mga anak.
Sa simula pa lang, buo kung magpadala ng remittance ang asawang seaman. Kung minsan pa nga ay sobra pa pag sinusuwerteng may extra o overtime sa trabaho.
Ngunit nitong nakalipas na mga buwan, may kakaibang napansin si Minda sa mister. Nawala ‘anya ang lambing at pagiging maalalahanin nito sa kanya at sa kanilang mga anak.
Dati-rati, walang araw na lilipas na hindi ito nakikipag-ugnayan sa kanila. Aalamin nito at kukumustahin ang buong maghapon ng pamilya sa pamamagitan ng maikling tawag man lang sa telepono, text message o di kaya, private message sa Facebook.
Hanggang sa bumaba ito ng barko at nakumpirma ni Minda na malaki ang ipinagbago ng mister.
Mula nang dumating ito, palaging wala sa bahay. Kung minsan hatinggabi na kung umuwi.
At may mga araw pang luluwas ‘anya ito sa Maynila at titigil nang mga ilang araw doon samantalang dati rati uwian ito sa kanilang bahay.
Malapit lamang ang kanilang probinsiya sa Maynila ngunit naging alibi’ na ito ni mister na nahihirapan na siyang bumiyahe at napaka-traffic na ‘anya ngayon at sayang lamang ang mga oras na ginugugol niya sa traffic.
Hanggang sa dumating ang puntong naghihinala na si Minda sa asawa. Kasabay nang mga pagbabagong ipinapakita nito, naging malamig na rin ang pakikitungo nito sa kaniya.
Ang cellular phone ni mister na dati-rati’y nasa mesa lamang, ngayon nasa ilalim na ng kaniyang ulunan kapag natutulog ito at hawak nito palagi maging sa pagpasok sa banyo.
Lalo pang tumibay ang mga hinalang iyon dahil madalas itong may kausap sa telepono at palaging pabulong pa at kung lalapit siya bigla na lamang lalakas ang boses sabay sasabihin sa kabilang linya na:
“Sige pare kung kailangang-kailangan ba, luluwas agad ako ng Maynila.”
Nang araw ding iyon, pag-alis ng mister, napansin ni misis na maraming alahas niya ang nawawala. Alam niyang hindi naman sila ninakawan dahil bakit mga alahas lamang niya ang nawawala.
Sinarili ni Minda ang pangit na hinala. Kaya’t nang inihatid nila si mister sa airport para sa susunod nitong sakay ng barko, laking gulat niya, dahil sinalubong ang mister sa airport ng isang babaeng seafarer na kasamahan daw niya at makakasabay nito sa biyahe. At nakita nito na suot ng babaeng seafarer ang alahas niyang nawawala.
Hindi nag eskandalo si Minda nang mga sandaling iyon. Inisip na lamang niya pareho sila nang alahas nung babaeng seafarer. Ngunit kinimkim nito ang sakit na naramdaman at alang-alang sa pamilya, umaasang maaayos pa ‘anya ang lahat.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com