NAKUHA ng Pilipinas ang titulo sa ika-anim na Miss International beauty pageant matapos matalo ni Binibining Pilipinas Kylie Verzosa ang 68 iba pang kandidata sa isinagawang patimpalak sa Tokyo Dome City Hall, Tokyo, Japan.
Ipinasa sa 24-anyos na modelo mula sa Baguio City ang korona ni Edymar Martinez na mula sa Venezuela, matapos ang apat-na-oras na patimpalak.
Nakuha naman ng Australian na si Alexandra Britton ang first runner up, samantalang itinanghal naman na second runner up si Felicia Hwang, ng Indonesia, na siya ring nakakuha ng “Miss Best Dresser.”
Third runner up naman si Brianny Chamorro, ng Nicaragua, na siya ring “Best in National Costume,” samantalang fourth runner up naman si Kaityrana Lenbahc, ng United States.
Nanalo si Verzosa dalawang araw matapos itanghal si Binibining Pilipinas Nivole Cordoves bilang first runner up sa 2016 Miss Grand International pageant in Las Vegas.