APAT na parangal ang tinanggap ng Pambansang Bae na si Alden Richards sa katatapos lang na PMPC Star Awards. Aminado naman ang guwapong singer-actor na hindi panglaban ang kanyang boses, pero hindi na ‘yun mahalaga, ang importante ay binigyan ng pagkilala ang kanyang pagiging singer.
Ang mga awards na tinanggap ni Alden ay masarap na prutas ng kanyang pagsisikap, pangangarap at pagiging propesyonal.
Mula nang pasukin ni Alden ang showbiz ay walang kahit sinong nagreklamo sa kanyang ugali, sa paraan ng kanyang pagtatrabaho at iba pang aspeto, dahil madisiplina ang guwapong binata.
Sinuportahan ng ating mga kababayan ang kanyang singing career, non-singer daw naman siya pintas ng iba, pero paano nga ba natin maipaliliwanag ang milagrong ginawa ng kanyang album na talagang sinuportahan ng ating mga kababayan?
Karapat-dapat lang na parangalan si Alden Richards, kahit saan siya magpunta ay kaligayahan ang isinasabog ng Pambansang Bae, kilig na kilig ang mga kababaihan at sangkabekihan sa pagkarinig pa lang ng kanyang piyesang “Wish I May.”
Hawak na niya ang apat na parangal, kumontra man ang iba diyan na walang nakikitang positibo kay Alden Richards ay wala na silang magagawa, hindi niya hiningi ang mga parangal at kusang-loob na ipinagkatiwala sa kanya.
Maligayang bati kay Alden Richards na walang masamang buto sa katawan.