BAGO tuluyang nagtapos ang Habagat ay pinasok ang bansa ng dalawang malalakas na bagyo – ang mga bagyong Karen at Lawin.
Marami ang nasalanta at nangangailangan ng tulong. At siyempre ang unang takbuhan ay ang gobyerno.
Bukod sa pagkain ay kailangan ng mga nasalanta ang ayuda ng gobyerno upang ayusin ang kanilang mga bahay at puhunan para muling makapagtanim at maibalik sa normal ang kanilang kalagayan.
Noon, ang palaging nagiging tanong ay nasaan ang mga imported na mga gamit na ipinadala ng international community.
May mga kuwento na ang mga imported na de-lata raw na ipinadalang tulong ng ibang bansa ay pinapalitan daw ng sardinas.
Ang mga magagandang kumot na donasyon ay pinapalitan daw ng mga tela na maituturing na basahan.
Pati raw ang mga mamahaling tsinelas ay hindi nakararating at malamang ay ibinenta pa.
Ngayon, ang iniisip ng mga nasalanta ay kung mayroon pang darating na foreign aid matapos ang mga pahayag ni Pangulong Duterte.
Aminado tayo na kakarampot ang budget ng bansa. Kulang pa nga para tustusan ang mga pangangailangan natin.
Patunay rito ang patuloy na pangungutang natin. Ang buwis na nalilikom ng gobyerno ay kulang pa para tustusan ang ating pangangailangan.
Hindi rin malaki ang calamity fund ng gobyerno para maibigay ang pangangailangan ng mga nasalanta. Kailangan itong tipirin dahil hindi naman tayo sigurado na wala nang darating na bagyo hanggang sa katapusan ng taon.
Kaya naman malaking tulong sa atin kapag may ipinapadalang tulong ang ibang bansa.
Kung duda ang nagbibigay, ang kanilang ginagawa ay direktang iniaabot ang tulong sa mga nasalanta. Hindi na nila ipinadadaan sa gobyerno.
Pero matapos ang pahayag ng pangulo laban sa Estados Unidos at European Union, nangangamba ang ilan kung may darating pang tulong.
Kung sa bagay, tayo namang mga Pilipino ay mayroong kasabihan na “kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot.”
Sanay naman tayong magtiis, di ba?
Kaya naman kaya tayong tiisin ng ibang bansa o tutulong pa rin kaya sila sa kabila ng mga pahayag ng Pangulo?
Kung totoo sa kanilang puso ang pagtulong ay babalewalain nila ang mga sinabi ni Duterte at tutulong pa rin.
Kung hindi naman, baka totoo ang sabi-sabi na tumutulong lamang sila dahil mayroon silang inaalagaang interes sa bansa.
***
Ang pagtitiis naman ay palaging nararanasan na natin dito sa Metro Manila.
Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay sumusuong tayo sa trapik. Buti nga at mayroon ng mga paaralan na nagsimula na ang semestral break kaya lumuwag-luwag na ang trapiko.
Pero sa pagpasok ng panahon ng Kapaskuhan ay tiyak na lalo pang bibigat ang daloy ng trapiko.
Halos apat na buwan matapos na umupo sa Malacanang si Duterte ay wala pa ring nararamdamang pagbabago.
Kung sa bagay, ang Kongreso nga hindi minadali ang pagbibigay ng emergency power sa Pangulo, ano pa nga ba ang aasahan nating pagbabago?
Kung walang tulong mula sa US, magtiis mamaluktot
MOST READ
LATEST STORIES
Read more...