SINABI ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Ronald “Bato” dela Rosa na isinumite na niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang 30 pangalan ng mga artista at mga personalidad sa telebisyon na sangkot sa iligal na droga.
“The list the NCRPO (National Capital Region Police Office) gave to me has around 30 names of celebrities,” sabi ni dela Rosa sa isang press conference sa Camp Crame.
Idinagdag ni dela Rosa na isasama ni Duterte ang mga pangalan sa kanyang sariling “celebrity watchlist.”
“Pinasa ko na sa Malacananang at idagdag na iyon sa listahan ni Presidente. Meron siyang mga celebrity watchlist. So ‘yung galing sa akin idagdag niya na iyon. Kung sino sino ‘yung mga kinanta nu’ng celebrity supplier nila ng drugs,” ayon pa kay Duterte.
Idinagdag ni dela Rosa na desisyon na lang ni Duterte kung isasapubliko ang listahan.
“Hintayin na lang natin kung i-aannounce ni Presidente ‘yung mga pangalan or kung ayaw niya i-announce, we still initiate our moves,” ayon pa kay dela Rosa.
Nauna nang sinabi ni dating Volunteers Against Crime and Corruption chair at ngayon ay Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chair Martin Diño, na aabot sa 50 mga artista ang nasa drug list ng pangulo.
Aniya, 10 rito ang kilalang pusher at ang iba ay kilalang user ng mga party drugs.
Nangako rin si dela Rosa na walang ibibigay na special treatment sa mga artista na masasangkot sa droga.
Kabilang sa mga artistang nahuli dahil sa droga ay sina Mark Anthony Fernandez, Sabrina M. at Krista Miller.