NAGSAMA-SAMA ang mga sikat at trending na mga celebrity sa ginanap na PMPC Star Awards for M-TV (Music & Television) sa Novotel Manila sa Araneta Center, Cubao, Quezon City last Sunday night.
Pinarangalan dito ang mga natatanging personalidad na nagbigay ng katangi-tanging galing at talento sa mundo ng telebisyon at musika.
Sa Star Awards for TV, big winner ang ABS-CBN na itinanghal na Best TV Station. Wagi rin ang maraming Kapamilya programs that night, tulad ng Ang Probinsyano, na nagwaging Best Primetime Drama Series habang ang Doble Kara naman ang Best Daytime Drama Series.
Nanalong Best Musical Variety Show ang ASAP, Best Drama Anthology ang Ipaglaban Mo, Best Gag Show naman ang Goin’ Bulilit, Best Educational Program ang Matanglawin at Best Public Affairs Program ang Bottomline.
Sa major awards, naiuwi ni Jennylyn Mercado ang Best Drama Actress of the Year para sa Kapuso series na My Faithful Husband habang Best Drama Actor naman si Coco Martin para sa Ang Probinsyano.
Tie naman sina Arjo Atayde at Arron Villaflor para sa Best Supporting Drama Actor award habang si Sunshine Dizon naman ang nagwaging Best Supporting Drama Actress.
Present din si Claudine Barretto na nagkamit ng Best Single Performance by an Actress award at si Kristoffer Martin naman ang nakakuha ng Best Single Performance by an Actor.
Wagi naman si McNeal Briguela o mas kilala bilang Aura o Makmak ng Best Child Performer para sa Ang Probinsyano samantala ang kanyang kasamahan naman sa serye na si Simon “Onyok” Pineda ang nakakuha ng Best New Male TV Personality award, ka-tie si Jake Ejercito para sa kanyang performance sa isang Lenten drama episode ng Eat Bulaga. Ang kapatid naman ni Arjo na si Ria Atayde ang nagwaging Best New Female TV Personality.
Standing ovation naman ang ibinigay ng mga kasamahan sa industriya nang ibigay kay Maricel Soriano ng Ading Fernando Lifetime Achievement Award. Binigyan pa siya ng tribute kung saan ang mga dance steps na pinasikat niya noon ay binigyang-buhay muli ni dance diva Yassi Pressman.
Sinundo pa ni Yassi ang Diamond Star para samahan siya sa stage, kung saan game na game ring nakisayaw si Maricel. Naiyak pa ito habang nagbibigay ng speech pero siyempre, hindi pa rin naiwasan ni Maria na magpatawa.