Kasalang Alden-Maine tinutukan ng buong mundo; halikan sa simbahan nag-trending

 

BUHAY na buhay ang dugo ng AlDub Nation kahapon dahil natupad na sa wakas ang dasal nila na mauwi na sa kasalan ang pagmamahalan nina Alden Richards at Maine Mendoza.

Nagbunyi ang Team Broadway, Team Bahay, Team Abroad at iba pang mga grupo na nagmamahal kina Alden at Maine.

Binuhay nilang muli ang bagsik ng AlDub Nation sa Twitter world! Tinalo nila ang It’s Showtime na second spot sa trending topics habang ang #ALDUBTheWedding ay number 2 worldwide pero number 1 nationwide!

Detalyado ang coverage ng Eat Bulaga kahapon sa wedding mula sa preparasyon hanggang sa aktwal na kaganapan sa Christ The King Church sa E. Rodriguez Avenue.

Ang lola niyang si Ai Ai delas Alas ang kasamang nagmartsa ni Alden patungong altar. Sinundan ng principal sponsors kabilang na sina Irma Adlwan, Joey de Leon, Mike Enriquez at Helen Gamboa.

Lumagare naman si Aicelle Santos mula Broadway to Christ The King. Sila ni Jake Ejercito ang magkasamang nagmartsa sa simbahan. Kumpleto naman ang Baes at si Taki na bahagi ng entourage.

May papel din sina Ryzza Mae Dizon at Baby Baste.  Lipad agad sila sa simbahan after ng numbers nila sa noontime show. Si Rondjun Cruz ang best man habang ang sister ni Meng na si Coleen ang Maid of Honor.

Hitsura nga ng tunay na kasalan ang naganap kahapon, huh! After magmartsa ng sponsors, sing naman si Kuh Ledesma ng “When I Fall in Love.” Sinabayan ito ng pasok ng tatlong lola (Nidora, Tidora at Tinidora) na mga nakasuot ng white na gown.

Siyempre, hindi nawala ang groovy father ni Maine na si Dodong (Vic Sotto) na napakagwapo sa suot niyang Barong with cool hairstyle. Siya ang naghatid kay Meng sa altar matapos iabot kay Alden ang “anak” kasama si Lola Nidora (Wally). Nagniningning sa ganda si Maine sa suot niyang wedding gown.

Daig naman nina Alden at Meng ang damdamin ng totoong ikakasal. Ramdam nila ang kaligayahan sa oras na ‘yon! Kaya naman sigawan ang mga tao sa church at sa Broadway nang lumakad na sila patungo sa altar!

Sinariwa naman ang mga kaganapan ng love story ng dalawa bago nauwi sa kasalan ang pag-iibigan nina Den at Meng. After ng First Reading, wedding rites na agad ang sinunod sa harap ng altar kasama ang principal sponsors.

Hiyawan ang tao sa simbahan nang sumagot ng “Yes, Father!” ang dalawa. Lalong lumakas ang tilian sa simbahan nang sumagat ng, “I do, Father!” si Maine. Cry din ang mga Lolas!

Sigawan ang fans sa, “I do, Father!” na sagot ni Alden. Umeksena si Lola Tidora (Paolo) sa sagot ni Alden. Sinundan ‘yon ng komedya ng tatlong lola nang sabihin ng pari na take your seat. Sa marble floor kasi ng simbahan umupo ang tatlo.

Kasunod nito ang pagsusuot ng wedding ring at pagbibigay ng aras ni Alden sa “asawa.” Lagayan ng veil at cord ng sponsors. Then ang baby photos ng dalawa hanggang sa teen years nila. Tumulo ang luha ng tatlong lola pati na si Lola Babah (Ai Ai).

Napuno ang simbahan ng tilian, hiyawan at palakpakan nang basahin ni Alden ang wedding vow niya kay Maine kasama ang pag-alala ng una nilang pagkikita pati na ang pagsubok na dinaanan niya para mapaibig ni Meng.

Sabi naman ni Meng sa kanyang wedding vow, “Tumatalon ang puso ko ngayon. Salamat Alden at tinuruan mo akong magmahal…Pangakong aalagaan kita hanggang tayo ay tumanda…Mamahalin kita nang walang kapantay. Habangbuhay!”

Pero naudlot naman ang “kiss the bride” portion nang biglang sumigaw si Lola Nidora at hinimatay! Ngunit ilang sandali lang ay bumalik din ang ulirat ni Lola Nidora at tinanong kung naghalikan na ang bagong kasal.

At dahil okay na si Lola Nidora inulit ng pari ang, “You may now kiss the bride!” Kaya muling nagsigawan ang lahat, pati ang pari ay kilig na kilig sa AlDub nang mag-kiss na ang bagong kasal. Lips to lips talaga sina Maine at Alden sa harap ng milyun-milyong Dabarkads.

Ang tanong lang, tuluy-tuloy pa rin kaya ang Kalyeserye ng Eat Bulaga? At kung magpapatuloy ito, siguradong ang buhay-mag-asawa na ang tututukan ng AlDub Nation.

Read more...