Mga bagong rekord naitala sa 2016 FIVB Women’s Club World Championships

ILANG bagong rekord ang naitala sa ginaganap na 2016 FIVB Women’s Club World Championships bunga ng maiinit na aksyon sa dami ng kalahok na pinakamahuhusay na manlalaro sa buong mundo na kasali sa walong koponan.

Tanging dalawang manlalaro pa lamang sa kasaysayan ng FIVB Women’s Club World Championships ang nagtala ng lampas sa 30 puntos sa loob ng isang laro bago na lamang nadagdagan ng dalawang iba pa sa unang laro noong Huwebes sa 2016 edisyon ng torneo sa Manila.

Ang Chinese superstar at naging 2016 Rio Olympics champion at MVP na si Zhu Ting ay umiskor ng 31 puntos kontra VakifBank Istanbul habang ang Ukranian na si Olesia Rykhliuk ay nagtala ng 30 puntos para sa Volero Zurich sa panalo ng Swiss team sa loob ng limang set kontra sa  Turkish squad.

Hawak naman ng Russian na si Ekaterina Gamova ang competition record sa 34 puntos na itinala nito sa Dinamo Kazan kontra Sesi Sao Paulo ng Brazil tungo sa pagwawagi nito sa 2014 title sa Zurich, Switzerland.

Isa pang Russian star na si Tatiana Kosheleva ang umiskor ng 30 puntos para sa Dinamo Krasnodar laban naman sa Rexona-Ades Rio de Janeiro nakaraang taon sa Zurich. Itinala ng dalawang Russians ang ‘Over 30s Club’ sa loob ng apat na set na laban.

Ang buong listahan ng ‘Over 30s’ ay sina: 34 -Ekaterina Gamova (Dinamo Kazan), Zurich 2014; 31 – Zhu Ting (VakifBank Istanbul), Manila 2016; 30 – Tatiana Kosheleva (Dinamo Krasnodar), Zurich 2015, at 30 – Olesia Rykhliuk (Volero Zurich), Manila 2016.

Nagtala rin ang laban ng Volero Zurich at VakifBank ng ilang record at all-time highs kung saan sina Dobriana Rabadzhieva ng Volero at Zhu ay may apat na service ace kada isa, na pumantay sa makasaysayang all-time high. Ito ang ikalawa para kay Rabadzhieva matapos unang itala ang 4 aces sa paglaro nito sa Azerbaijan na Rabita Baku kontra Bohai Bank Tianjin noong 2012.

Anim na manlalaro ang nasa top list na sina Malgorzata Glinka ng VakifBank noong 2011, Juliana Costa ng Sollys Nestle Osasco noong 2011, Diana Khisa ng Kenya Prisons Nairobi noong 2012, Shen Jingsi ng Guangdong Evergrande Guangzhou noong 2013, Aicha Mezemeta ng GS Petroliers Algiers noong 2014 at si Carol Silva ng  Rexona-Ades Rio de Janeiro noong 2015.

Napantayan naman ni Milena Rasic ng VakifBank Istanbul ang all-time record para sa most blocks sa isang laro sa unang araw ng torneo sa Manila na kabuuang 10 na unang itinala ni Carol Silva ng Rexona Sesc Rio de Janeiro. Una nang binura ni Carol sa 10 nitong block ang itinalang record na 9 na nagawa ni Zhu.

Ang 11 block ng Volero sa laro ang tournament high para sa single match na nagpataas sa 9 ng Rexona Sesc Rio de Janeiro sa laban nito kontra PSL-F2 Logistics Manila.

Read more...