SI Janella Salvador ang sinisisi ng ilang fans nina Janine Gutierrez at Elmo Magalona kung bakit naghiwalay na nang tuluyan ang mga ito.
Si Janine na mismo ang nagkumpirma na nagdesisyon sila ni Elmo na tapusin na ang kanilang relasyon, pero hindi diretsong sinabi ng Kapuso actress kung may third party bang involved sa break-up.
Dalawang taong tumagal ang relasyon ng dating magdyowa kaya nalulungkot at nanghihinayang din si Janine na hanggang dito na lang talaga ang kanilang love story.
Sa interview ng GMA sa panganay na anak nina Lotlot de Leon at Ramon Christopher, sinabi ni Janine na oras ang isa sa mga rason kung bakit nauwi rin sa wala ang kanilang love affair. Nasa ABS-CBN na ngayon si Elmo at nasa GMA naman siya.
“Siyempre mahirap, we have different schedules. He’s in a new place with new people and it’s hard to find a common schedule and everything. So we just really both decided to focus on work,” paliwanag ni Janine.
Ayon pa sa dalaga, masakit man para sa kanya ang maghiwalay sila ni Elmo, ito ang pinakamabuting gawin para hindi tuluyang masira ang kanilang friendship, at para hindi rin daw sila maging unfair sa isa’t isa.
“Siyempre kapag ganito, you just want to look back at the good stuff, di ba, so, we were together for more than two years and that whole time, that was all support, tsaka love.
“Kahit hindi na kami siyempre, hindi magbabago lahat ng pinagsamahan namin. So, I’ll always wish the best for him,” pahayag pa ni Janine.
Sa mga nabasa naming komento mula sa mga tagasuporta nina Janine at Elmo, kung hindi raw sana lumipat ang binata sa ABS-CBN at nakipag-loveteam kay Janella Salvador, maayos pa rin ang relasyon ng ex-couple.
Pero may nagtanggol naman kay Janella at nagsabing unfair naman sa dalaga na siya ang sisihin sa break-up nina Janine at Elmo dahil wala namang ginagawang masama ang dalaga. Naniniwala rin sila na hindi ahas si Janella para mang-agaw at manira ng relasyon.