2 PH lifters sasabak na sa 2016 IWF Youth World Championships

NAKATAKDANG sumabak ang dalawang batang weightlifter na inaasahang susunod sa yapak ni 2016 Rio de Janeiro Olympic Games silver medalist Hidilyn Diaz simula ngayong umaga sa 2016 IWF Youth World Championships sa  Penang, Malaysia.

Sinabi ni Philippine Weightlifting Association (PWA) vice-president Elbert “Bong” Atilano na ang dalawang batang weightlifter ay ang 14-anyos na si John Paolo Rivera Jr. na sasabak sa boys 50 kilograms category at ang 16-anyos na si Ma. Dessa A. Delos Santos na sasabak naman sa girls 53 kg category.

“We’re preparing them for the coming Asian Youth Games and then to the Youth Olympic Games,” sabi ni Atilano.

Inaasahang magpapadala ng kanilang lahok ang mahigit sa 150 miyembrong bansa ng
International Weightlifting Federation (IWF).

Matapos lumahok sa torneo ay tutungo ang pambansang delegasyon  sa 18th Asian Youth, 23rd Asian Junior Women’s at 30th Asian Junior Men’s Weightlifting Championships sa Tokyo, Japan mula Nobyembre 11 hanggang 16.

Ang pinagsama-samang tatlong torneo ay  itinakdang mga qualifying legs para sa Asian Youth Games at Youth Olympic Games na gaganapin naman sa Buenos Aires, Argentina sa 2018.

Ang Buenos Aires 2018 Summer Youth Olympic Games ang ikatlong edisyon naman ng Summer Youth Olympics, na pinakamalaking internasyonal na torneo sunod sa Summer Olympic Games, na nakatakdang ganapin simula Oktubre 1 hanggang 12, 2018 sa Argentina.

Read more...