Batas sa service charge

PALAGI po akong nagbabasa ng inyong pahayagan.

May tatlong buwan na rin akong nagtatrabaho bilang waiter sa isang sikat na restaurant dito sa Makati.

Laging marami ang kanilang customer na ang karamihan ay nagbibigay ng tip. Ibinibigay ko naman lahat sa cashier pero may nakapagsabi sa akin na entitled daw ako sa share na dapat kong makuha mula sa tip na ibinibigay ng mga customers.

Tanong ko lang po kung may karapatan ba talaga ako para makibahagi sa tip na ibinibigay ng mga customers? Sana ay matulungan ninyo ako sa aking katanungan. Huwag n’yo na lang sabihin ang totoo kong pangalan baka mapag initan ako ng mga nakakataas sa akin. Tawagin nyo na lang akong Albert.

Salamat po.

REPLY: Para sa iyong katanungan Albert, ang lahat ng manggagawa sa isang establisyimento o kahintulad nito na kumukulekta ng service charges ay may karapatan sa isang pantay o tamang bahagi sa 85 porsiyento na kabuuang koleksyon.

Ang naiwan o natirang 15 porsiyento o bahagdan ay maaaring gamitin ng maypagawa upang mabayaran ang anumang gastos sa mga kagamitan na nabasag, nawala o kahalintulad nito at ipamamahagi din ang iba sa mga managerial employees ayon sa kanyang desposisyon.

Ang service charges ay kadalasang kinokolekta ng halos lahat ng hotel, kainan, o restaurant, night club, cocktail lounges at iba pa.

Ang bahagi ng mga manggagawa sa service charges ay ipinagkaloob sa kanila minsan tuwing ikadalawang linggo o dalawang beses sa isang buwan na may pagitan na di lalampas sa 16 na araw.

Kung ang pangongolekta ng service charges ng isang kumpanya ay inihinto o itinigil na, ang kabahagi ng parte ng service charge na dati nilang tinatamasa sa nagdaang 12 buwan ay dapat isama sa sahod ng mga manggagawa.

Kung ang isang restaurant o mga kahalintulad nito ay hindi kumukulekta ng service charges ngunit may sinusunod na patakaran o kaugalian sa kumpanya, ang mga pabuya o tip na kusang loob na ibinigay ng customer sa mga manggagawa ay dapat imonitor, iaayos, kuwentahin at ipamahagi sa isang pamamaraang tulad din ng pagbabahagi ng service charges.
Labor Communications Office
Department of Labor and Employment
Intramuros, Manila
Telephone Nos.: 5273000 local 621

May nais ba kayong isangguni sa Aksyon Line? Maaari kayong sumulat sa aming tanggapan Aksyon Line c/o Inquirer Bandera, MRP bldg., Mola st. cor. Pasong Tirad st., Makati City o kaya ay mag-email sa jenniferbilog@yahoo.com.ph or jenniferbilog97@ gmail.com.
Hangad ng Aksyon Line na buong puso namin kayong mapaglingkuran sa abot ng aming makakaya.

Read more...