‘Sa ‘yo na ang patay’

MASARAP magsinungaling! Sinungaling pa more, anang homilia ni Fr. Yuli, vicar sa National Shrine of the Divine Mercy sa Marilao; lalo na sa droga. Walang alam? Walang bahid? Di kumita? Todo tanggi! Lumuhod pa. Walang tinatakpan na di mabubunyag (San Lucas). Ang Pagninilay sa Ebanghelyo (Ef 1:11-14; Slm 33; Lc 12:1-7) sa ika-28 linggo ng taon.

Paano kung ang mismong pamilya ang payag (na) sa EJK (extra-judicial killing)? Maraming punerarya sa Bulacan, Caloocan at Quezon City ang dala na sa katatanggap ng mga bangkay na sinalvage, napatay sa buy-bust at tokhang. Hindi kinukuha ang mga bangkay dahil (1) walang pambayad; (2) ayaw na nilang gumasta sa basurang kapamilya.

Sa North Caloocan, may mga death certificate na ang nakasaad ay “died of natural cause” kahit napatay sa buy-bust. Bilang pag-unawa sa mahihirap na pamilya ng yumao, pinapayagan na ito ng mga imbestigador dahil mahal ang singil sa autopsy/medico legal; P30,000. Libing-mahirap: P5,500.

Hanggang ngayon, di pa rin nasugpo nina Digong at Bato ang droga sa North Caloocan. Marami nang napatay, pero bakit may shabu pa rin? Sa Barangay Bagong Silang, niloloko lang ng mga purok ang kanilang punong barangay. Katibayan: ang pag-iingay ng mga naka-shabu alas-2-3 ng umaga.

May pari sa San Jose del Monte, Bulacan na di naniningil sa paanyaya sa lamay ng napatay sa droga para dasalin ang Panalangin Habang Nakaburol ang Yumao at Panalangin sa Kaluluwa ng Mahal na Yumao, na tanging ang pari lamang ang dapat mamuno. Di dapat pagkakitaan ang namumuhay-daga.

Ayon sa isang manggagamot sa Bulacan Provincial Hospital, ang drug user na dalawang taon nang nasa bisyo ay wala nang pag-asang ma-rehab, base sa ilang pasyente niya. Gulay na ang utak. “Ibigay mo na yan kina Digong at Bato para kumita ang punerarya,” ani dok.

Pakikialaman ng International Criminal Court ang patayan (sa kanilang pakiwari ay EJK) sa Pinas. Anu? Gagawin nilang bayani ang tulak, adik, kawatan, hayok? At, tuwang-tuwa naman ang mga dumadalaw (dumidilaw) sa Times st!

Sa Beijing, binanggit na naman ni Digong ang “do not destroy my country.” Ikaw naman Digong, hanggang ngayon mahiyain ka pa. Sino ba ang nag-destroy my country? Sa anim na SONA, walang binanggit si Aquino sa droga. Mas lumaganap pa nga ang droga kay D5. Police generals at ninja cops nasa shabu, bulag ka ba?

Kaduda-duda ang patuloy na paglilihim ni Digong hinggil sa mga mayor, gobernador at mga mambabatas na protektor ng droga. Sa mga artista, kahit blind item ay wala si Digong. May nangyayari na di nakikita ng taumbayan. May kutob din naman ang taumbayan, at malakas ito.

Ginanahan si Digong sa kamumura habang nagkukuwento sa mga Pinoy sa China. Kasi, sa bawat mura, nagtatawanan (ang iba’y pumapalakpak pa) ang mga Pinoy. Kung gayon, nagtawanan ang Pinoy nang murahin ni Digong ang Diyos, Santo Papa, simbahang Katolika, mga pari’t obispo, media, mga Hudyo, chief justice, Obama, Ban Ki-moon, EU?

Dumarami ang bugok na mga pulis sa pamumuno ni Bato. Mga pulis na pumatay sa dalawang drug suspect sa loob ng presinto, mga pulis na pumatay sa anti-crime crusader, mga pulis na nagkakarga ng kaso sa media, mga pulis na nasa droga pa rin, atbp. Malupit si Bato, bakit maamo siya bugok na mga kabaro?

PANALANGIN: Sa ngalan ni Jesus, inuutusan ko ang puwersa ng kasamaan na lumayo sa aming pamilya’t bayan. Father Mar Ladra, Diocese of Malolos.

MULA sa bayan (0916-5401958): Malabo na ang umento ng SSS pensioners. Di na ito aabot sa Pasko. Duterte, pu***mo. Teresita de la Cruz-Santiago, DRT, Bul. …9088

Read more...