NAKAKATUWA ang mahalagang papel na ginagampanan ngayon ng ating mga OFW. Kasunod ito nang pagkakaaresto sa isang bigtime drug lord na si Roland “Kerwin” Espinosa, anak ng arestadong Mayor ng Albuera, Leyte.
Bago pa tuluyang makaupo sa bilang pangulo si President Digong noong Hulyo, nagsimula na ang pagkilos ng mga alagad ng batas hinggil sa maagang pagpapatupad ng gera laban sa ilegal na droga.
At mas pinaigting pa ito nang manungkulan na nga ang Duterte administration.
Sa takot siguro sa gerang inilunsad ni Digong, lumabas agad ng bansa itong si Kerwin. Nagmakaaawa pa nga ang tatay nito na sumuko na lang.
Ngunit dahil sa makabagong teknolohiya, updated sa balita at sumusubaybay sa mga nangyayari sa ating bansa ang ating mga kababayan saan man sa mundo, may nakakilala kay Espinosa sa Abu Dhabi, United Arab Emirates.
Nais palang mag-extend ng kaniyang visa si Espinosa dahil alam niyang tiyak na iyon ang magiging dahilan na maaaring mahuli siya kapag ilegal na ang kaniyang pananatili sa UAE.
Pero hindi naging posible ang balak niya. Sa halip, namukhaan siya ng ating mga OFW at kaagad ipinagbigay alam sa ating Philippine National Police ang naturang impormasyon.
Gayong iba pala ang tunay na pangalan ni Espinosa sa kaniyang pasaporte, kaagad naiparating sa Pilipinas ang naturang sumbong.
At siyang naging dahilan nang pagkakaaresto nito matapos makipag-ugnayan ng PNP sa mga otoridad ng Abu Dhabi.
Talagang wala na ngang maitatago sa ating mga kababayan ngayon. Gaano man kalayo ang kanilang pinagtataguan, kahit saan pang sulok ng mundo sila naroroon.
Ayon sa ilang mga kababayan natin sa UAE, sa pamamagitan ng pagbibigay ng ganoong impormasyon, kahit papaano, ramdam nilang may kontribusyon sila at tulong sa kasalukuyang administrasyon upang papanagutin ang mga taong pabigat sa lipunan at sanhi ng pagkalulong ng marami nating mga kababayan sa ipinagbabawal na gamot na siyang dahilan din ng maraming mga krimen at korapsyon sa mga opisyal ng pamahalaan.
Simula pa lamang ito at maaasahan nating may mga spy na nga at intel agents ang ating pamahalaan sa katauhan ng ating mga OFW.
Hindi na madali ngayon at maaaring basta na lamang makalulusot ang mga salarin, pinaliit na ang mundo ng teknolohiya at lalo pang pinaliit ito dahil nakakalat ang Pinoy saan man sa mundo at aktibong nakikibahagi sa kahit anong maiaambag nila sa ating bansa. Kaya para sa mga masasamang loob, hindi na kayo basta makapagtatago ngayon, nariyan ang ating mga OFW at walang takot nilang isusuplong ang sinumang mamataan nilang wanted sa Pilipinas at nagtatago sa ibayong dagat.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM, Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.Helpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com