Ai Ai kay Kris: Pinatawad ko na siya sa puso ko!

 

PINATAWAD na ni Ai Ai delas Alas kung anuman ang naging kasalanan sa kanya ng dati niyang “friendship” na si Kris Aquino, pero ayaw na niyang pag-usapan pa kung ano ang tunay na rason kung bakit nasira ang kanilang pagkakaibigan.

Sa announcement ng pagkakapili sa Comedy Queen bilang recipient ng Pro-Ecclesia et Pontifice medal mula kay Pope Francis nitong nakaraang Lunes, isa sa mga naitanong sa kanya ang tungkol sa nawasak na relasyon nila ni Kris bilang mag-BFF. Hanggang ngayon kasi ay tila hindi pa rin nabibigyan ng tuldok ang kanilang “nakaraan”.

“Yes, in my heart, pinatawad ko na siya,” ang diretsong sagot ng komedyana. Pati raw ang iba pang taga-showbiz na nakasamaan niya ng loob noon ay pinatawad na rin niya dahil ayaw na niyang magkaroon ng poot o galit sa kanyang dibdib, kumbaga good vibes na lang ang nais niyang pairalin sa kanyang buhay.

Kasabay nito, humingi na rin daw siya ng tawad sa lahat ng mga taong nasaktan niya sadya man o hindi. Aniya, “Nu’ng malaman ko na tatanggap ako ng Papal medal, lahat ng mga baka nasaktan ko, tinext ko sila and humingi ako ng tawad. Nagso-sorry ako kung anuman yung nagawa ko sa inyo, maliit man o malaki, nasaktan ko kayo, humihingi ako ng tawad.”

Pero sinabi ni Ai Ai na hindi kasama si Kris sa mga tinext niya dahil wala raw siyang bagong cellphone number ng Queen Of All Media. Sa ngayon, naka-focus ang atensiyon ni Ai Ai sa physical at spiritual preparation para sa Solemn Investiture Papal Award na magaganap sa mismong kaarawan niya sa Nov. 11, 2016, sa Cathedral of the Good Shepherd, sa Regalado Avenue, Novaliches, Quezon City.

In fairness, deserving naman talaga si Ai Ai sa nasabing Papal medal dahil isa siya sa mga local celebrities na walang sawang tumutulong sa mga nangangailangan nating kababayan, lalo na sa mga matatanda. Malapit ang puso ng komedyante sa mga senior citizen kaya handa siyang gawin ang lahat para matulungan ang mga ito sa abot ng kanyang makakaya. Kaya tingnan n’yo naman kung gaano siya ka-blessed ngayon – may lovelife na, may bonggang showbiz career pa. Kaya hindi pwedeng i-apply ngayon kay Ai Ai ang kasabihan sa showbiz na kung bongga ang career mo, e, malas ka sa lovelife. Ganern ‘yun!

Read more...