NAKIISA si Ilocos Norte Governor Imee Marcos sa mga taga-suporta na humihiling na mailibing na sa Libingan ng mga Bayani ang yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos.
Sa pagtatapos ng apat na araw na Kailian march, nagsagawa ng unity rally at prayer vigil ang ilang daang Marcos supporters sa harap ng Korte Suprema Lunes, o isang araw bago tuluyang maglabas ng desisyon ang Kataas-taasang Hukuman hinggil sa pagpapalibing sa dating pangulo sa LNMB.
“Nagmamakaawa tayo sa ating Supreme Court na sana buksan ang kalooban at kaisipan sa katotohanan na ito ay isang pagkakataon upang mapawi ang hidwaan, alitan, at away-away sa ating lipunan.
“Magkaisa bilang bago at lumang Pilipino. Iisa lamang ang ating bansa. Iisa lamang ang ating paninindigan, kasama ang lahat ng mga sundalong nasawi, kasama ang lahat ng mga dating presidente, kasama ang lahat ng mga binigyan ng medalya athonor sa giyera. Ilibing na ang dating presidente Ferdinand Marcos,” pahayag nito.
Pinasalamatan din ng gobernador ang lahat na sumama sa martsa kahit pa inabot ang mga ito ng bagyong Karen sa kanilang paglalakbay mula Ilocos Norte patungong Metro Manila.
“Nais kong ipahiwatig ang damdamin ng aking pamilya mula sa puso ng aking nanay, si Congresswoman Imelda Romualdez-Marcos, si ApoFerdinand “BongBong” Marcos, Irene Marcos-Araneta, lahat ng pamilya ko, nagpapasalamat kami sa lahat na nakikiramay, nakikisama, at nakikisigaw dito sa Supreme Court.”
Sa gitna nang pagtitipon, maririnig ang pagsigaw ng mga nagsidalo na “Marcos pa rin! Marcos idi, Marcos ita, Marcos latta!” (Marcos noon, Marcos ngayon, Marcos pa rin!).”
Nagpasalamat din ang gobernador sa sumuporta sa #IlibingNa signature campaign na nakalikom ng mahigit sa 1.6 milyong lagda na pumipetisyon na payagan na ng Korte Suprema ang pagpapalibing kay Marcos sa LNMB. Pinasalamatan din niya si Pangulong Duterte dahil sa suportang ibinigay sa pamilya.
Ang apat na araw na martsa ay sinimulan noong Biyernes mula sa San Agustin Church sa Paoay at St. John the Baptist Parish Church sa Badoc. Mula doon ay binaybaya ang mga lalawigan ng La Union, Pangasinan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, hanggang sa dumating na ito sa Metro Manila.
“Kaunting volunteers lang ang nag-umpisa ng Kailian March hanggang ito’y dumami nang dumami,” pahayag ni Domingo Ambrocio, presidente ng Philippine Councilors League−Ilocos Norte Chapter.
Naniniwala naman si Neil Joaz Lagundino Sirib Ilokano Kabataan Association (SIKA) na maririnig ng Korte Suprema ang kanilang hinaing.
“Sa haba ng aming paglalakbay, sana sa pamamagitan ng aming hirap at pagdarasal ay maipagkaloob na ang kapayapaan sa ating bansa.