FIRST time gumawa ng romantic-comedy film o light drama si Angel Locsin kaya aminado siyang hindi siya sanay sa paggawa ng mga nakakatawa at pakilig na mga eksena.
Pero sa latest film ng aktres na “The Third Party” wala kaming ginawa kundi tumawa sa mga pinaggagawa niya dahil kahit na nagdadrama na siya ay nakakaaliw ang punchlines niya.
Siya nga ‘yung may pinaka-funny lines kumpara kina Sam Milby at Zanjoe Marudo na parehong seryoso ang karakter bilang mga doktor.
Sa aktres ibinigay ni direk Jason Paul Lacsamana ang mga nakakatawang linya bukod sa mga dialogue nina Beauty Gonzales at Matet de Leon.
Maganda at maayos ang development ng bawat karakter nina Angel (Andi) Sam (Max) at Zanjoe (Christian) na may kanya-kanyang back story at highlights.
Pati supporting characters tulad nina Matet, Al Tantay at Carla Martinez bilang kapatid at magulang ni Max (Sam), Cherie Pie Picache at Alma Moreno na nanay at titang mabait naman ni Andi (Angel), Beauty (kaibigan ni Andi) ay may mga moment din.
Walang halay factor sa mga eksenang naglalambingan sina Sam at Zanjoe sa kama na mauuwi sa love making, kaso naputol dahil dumating si Angel para lang sabihing may dumating na package. Tawa nang tawa ang mga manonood sa reaksiyon ng aktres dahil sa nakita niya.
Nakakatuwang panoorin sina Sam at Zanjoe sa eksenang iyon na nagawa ni direk Paul na nakakatuwa at hindi ka makakaramdam ng kabastusan o kahalayan.
Madalas kasi sa gay movies ay may maririnig ka sa audience na magsasabi ng, “Kadiri!” pero sa “The Third Party”, walang-wala kang mararamdamang kabastusan, sa katunayan mai-in love ka pa nga sa karakter nina Max at Christian.
Sa rami ng napanood naming gay movies na lokal ay ito ang pinakamaganda at pinakadisente na napanood namin.
Panalo ang eksenang nagpaalam na si Zanjoe para pumunta ng Cebu at sabay halik sa lips ni Sam na ikinaloka rin ni Angel – kaya hiyawan ang lahat ng nasa Cinema 2 Trinoma.
Wala rin kaming naramdamang buryong sa mga mahahabang linya sa drama scenes ng movie dahil sakto lang ang mga dialogue, very timely at hindi nanggaling sa ilalim ng baul na kadalasang ginagawa sa ibang pelikula.
Aliw ang mga eksena ni Alma na may malaking boobs na ginagamit niyang taguan ng pera. Nakakatawa tuloy nu’ng humirit si Angel ng, “Baka, meron pa, Tita!” sabay tingin sa boobs ni Ness. Kaloka ang boobs ni Alma, may partisipasyon sa pelikula, ha?
Ito na yata ang pinakamagandang acting ni Sam sa lahat ng pelikulang nagawa niya simula nang mag-umpisa siya sa showbiz. Kakaiba at challenging na gumanap siyang bading without hesitation. Sakto, hindi OA, at relax lang.
Magaling talagang aktor si Zanjoe dahil kaya niyang gampanan kahit na anong papel pa ang ibigay sa kanya.
Nakaka-distract lang ang ilang eksena ni Angel na iba-iba ang itsura – may payat siya, may malaking tingnan sa screen, may tila nag-mature siya. Parang napasarap yata siya sa pagkain ng ice cream at isaw sa pelikula.
Labis kaming nagpapasalamat sa Team Angel na nag-imbita sa amin sa Trinoma noong Miyerkules, at siyempre sa magkapatid na Angel at Ella Colmenares.
Congratulations kay direk Jason Paul Lacsamana na sobrang simple at walang yabang nang nainterbyu namin sa presscon ng “The Third Party” at siyempre sa Star Cinema.