Sa direksyon ng box-office comedy director na si Wenn Deramas, ang “Bromance: My Brother’s Romance” ang una ding pagkakataon na magbibida sa isang pelikula si Zanjoe Marudo kung saan gaganap siyang kambal—na ang isa dito ay bakla—ang gagampanan niya, kaya’t tunay na kaabang-abang ang pelikulang ito!
Iikot ang kuwento ng pelikula sa kambal na sina Brando, isang macho na lalake, at ang baklang si Brandy.
Dahil hindi matanggap ni Brando ang pagiging bakla ng kakambal, magdedesisyon itong mabuhay ng mag-isa at magtatayo ng talyer, pero malulubog siya sa utang.
Si Brandy naman ay magiging isang successful interior designer.
Patuloy sa pagtahak ng hiwalay na landas ang magkapatid, hanggang sa hilingin ng nanay nila magkasundo uli sila. Dahil dito, pupuntahan ni Brandy si Brando para makiusap sa kapatid na bumalik sa kanila.
Pero bago pa magkasundo ang dalawa ay maaaksidente at mawawalan ng malay si Brandy.
Habang nasa coma si Brandy, malalaman ni Brando na bago pala nangyari ang aksidente, may nasarado si Brandy na deal sa isang kliyente na nagkakahalaga ng milyon-milyon, at hindi puwede na basta-bastang mawala si Brandy sa eksena.
Sa takot ni Brando na lalong magkagulo kapag nalaman ng kliyente ang nangyari sa kanyang kapatid, nagdesisyon si Brando na magpapalit muna sila ng identity ng kanyang kambal.
Kaya’t ang dating macho at maporma na si Brando ay biglang naging—si Brandy!
Ang “Karakaraka”, ang single mula sa dance album ni Vice Ganda ang theme song ng pelikula.
Kasama rin sa “Bromance: My Brother’s Romance” sina Arlene Muhlach, Joy Viado, Manuel Chua, Boom Labrusca, Joey Paras, Lassy, Nikki Valdez, Maricar de Mesa, Abbie Bautista, Carlo Romero at Jeff Luna.
Samantala, may nang-iintriga na hiwalay na raw sina Zanjoe at Bea Alonzo.
Matagal na raw kasing walang balita sa dalawa, kaya marami ang nagtatanong kung nag-break na raw ang dalawang Kapamilya stars.
Nagtanung-tanong kami sa ilang taga-ABS-CBN, anang isang nakausap namin, talaga lang daw busy sina Zanjoe at Bea kaya wala silang masyadong time na mag-bonding.
Pero siniguro nito na very much together pa rin ang magdyowa.
Sa pagkakaalam namin, parehong lagare sina Zanjoe at Bea sa kanilang mga trabaho.
Pero kung may bahid nga ng katotohanan na nagkakalabuan na sila, wala naman tayong magagawa.
Sayang nga lang dahil ang feeling ng marami ay sa simbahan na ang tuloy ng kanilang relasyon.
Pero sana nga, tsismis lang ang lahat ng ito.